Mambabatas nagbabalang may mga senyales na makikialam ang China sa 2022 presidential polls sa Pilipinas
Maraming senyales na makikialam ang China sa 2022 presidential election sa Pilipinas para mapanatili ang impluwensya nito sa bansa at masigurong hindi sila hahabulin sa ilegal na pag-okupa sa West Philippine Sea, ayon sa mga progresibong mambabatas.
Sinabi nina ACT Partylist Rep. France Castro at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate na prubewa na dito ang pagkakaroon ng network ng mga pekeng Facebook accounts na nakabase sa Fujian, China at sumusuporta umano sa presidential bid ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Rep. Sara Duterte.
Ang naturang account ay kabilang sa 181 accounts na isinara ng Facebook dahil nilabag nito umano ang patakaran ng social media giant laban sa pakikialam ng isang dayuhang grupo o bansa sa internal na aktibidad ng ibang nasyon.
“Pinatunayan na dun sa ibinulgar ng Facebook na sangkot ang China mismo. May mga account, may network na nagmula sa China na ire-raise up ang kandidatura ng anak ng Presidente sa susunod na eleksiyon,” pahayag ni Castro sa isang virtual press conference.
“Talagang may nakikita tayong indication eh na maaaring makialam ang China sa election. Makikita natin sa mga tinek-down na account. Malaki ang posibilidad na makikialam ang China sa susunod na eleksiyon,” dagdag pa niya.
Sa kanyang panig ay sinabi ni Zarate na hindi na siya magtataka kung manghihimasok ang China sa 2020 presidential election dahil malaki ang interes nito sa Filipinas, lalo na sa inaangkin nitong WPS.
Kaugnay nito ay hinamon niya ang social media regulators sa bansa at maging ang Facebook na maging pro-active sa laban sa mga ganitong account at network upang hindi maimpluwensiyahan ng sinuman, lalo na ng China, ang susunod na halalan sa bansa.
“Kasi this will undermine the democratic processesses na mayroon ang isang kandidato na halal ng bayan na na-elect pala dahil hindi ito ang kagustuhan ng bayan kundi dahil ang mamamayan ay na-mislead. Naloko sila dahil sa kanilang nabasa sa social media platforms,” paliwanag ni Zarate.
Samantala, sinabi naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite na dapat imbistigahan ng National Bureau of Investigation o ng Office of the Ombudsman ang umano’y mga pekeng accounts ng Facebook at Instagram sa Pilipinas.
Naniniwala si Gaite na walang mangyayari kung ipauubaya sa Armed Forces of the Philippines at sa Philippine National Police ang pag-iimbestiga sa mga pekeng account sa kanilang hanay.
Kasama ring isinara ng Facebook ang 102 accounts sa Pilipinas na umano’y may kaugnayan sa AFP at PNP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.