Patunay na ‘di kailangang maging sexy para makasungkit ng sexy, tiwala lang!
MATINDI ang pressure na hatid ng “new normal taping” sa mga bida ng seryeng “Anak ni Waray vs Anak ni Biday” na sina Barbie Forteza at Kate Valdez.
Kamakailan ay sumabak na uli sa trabaho ang dalawang Kapuso youngstars para sa lock-in taping ng kanilang teleserye.
Ito’y para nga sa fresh episodes ng “Anak ni Waray vs Anak ni Biday” na natigil din sa pag-ere noong kasagsagan ng pandemya sa bansa.
Kuwento nina Barbie at Kate, istriktong ipinatutupad sa kanilang location ang health protocols laban sa COVID-19. Talagang matindi ang pag-iingat na ginagawa ng produksyon para masigurong ligtas ang lahat.
“Basta ‘yung proteksyon namin hindi namin inaalis hangga’t hindi take. Yung mga eksena naman namin, hangga’t kaya na may social distancing pa rin at kung kaya na walang physical contact.
“Kaya lang kasi talagang minsan may mga eksena na siyempre kailangan magyakap ganyan, pero we see to it na nagsa-sanitize kami before and after nu’ng eksena,” pahayag ni Barbie.
Ayon naman kay Kate, hindi maiiwasan na makaramdam sila ng matinding pressure dahil limitado na nga ang oras ng kanilang taping kaya naman kailangang pagbutihin pa niya lalo ang kanyang pag-arte.
Hangga’t maaari ay hindi sila magkamali sa bawat eksena para hindi paulit-ulit ang take. Mas mapapabilis daw ang trabaho kung tuluy-tuloy at less mistakes ang bawat scene na kinukunan.
Samantala, sinabi rin ni Barbie na medyo pabibilisin ang kuwento ng serye pero siniguro niya na hindi nito maaapektuhan ang takbo ng istorya ng pamilya ni Waray at ni Biday.
“Kahit medyo na-compress ‘yung istorya, nandu’n pa rin naman ‘yung emotions. Nandu’n pa rin ‘yung bigat,” paliwanag ni Barbie.
Speaking of Barbie, nag-post ng throwback photo ang Kapuso Primetime Princess kung saan may paandar siyang hirit para sa boyfriend na si Jak Roberto.
“Patunay na ‘di kailangan maging sexy para makasungkit ng sexy… Tiwala lang! Happy monthsary @jakroberto. I miss you so much. I love you,” ang caption ng dalaga sa kanyang post.
Nagdiwang ng kanilang monthsary ang tambalang JakBie noong Linggo at dahil sa laganap pa ring pandemya, hindi sila nagkakasama madalas ni Jak.
Sa ngayon ay sweet greetings na lang muna ang virtual bonding nila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.