Sapat na pondo na pambili ng bakuna kontra COVID-19 tiniyak ng Kamara
Siniguro ni House Speaker Alan Peter Cayetano na mayroong sapat na pondo para sa bakuna sa COVID-19 sa ilalim ng P4.5 trillion 2021 national budget.
Ayon kay Cayetano, may sapat na alokasyon ang gobyerno para ipambili ng anti-COVID-19 vaccines at sa pagsasagawa ng therapeutic science research.
Hiling lang ni Cayetano sa Inter-Agency Task Force (IATF) na bigyan sila ng tamang impormasyon upang makapaglaan ang Kongreso ng karampatang halaga para ipambili ng vaccines.
Ang panawagan ni Cayetano ay kasunod na rin ng nakita niyang ulat na ang bansang Australia ay naghahanda na ng US$1.2 billion para sa bakuna.
Bagamat batid ni Cayetano na iba naman ang itatakdang presyo ng mga manufacturers ng bakuna sa mga developing countries, hindi pa nakasisiguro na mapapabilang ang Pilipinas sa mga bansang bibigyan ng mas mababang presyo ng COVID-19 vaccine.
Sinabi pa ni Cayetano na maiging nakikipag-ugnayan na ngayon pa lang ang Kamara sa Senado at sa mga Cabinet secretaries upang matiyak na targeted at matutugunan ng pambansang pondo sa susunod na taon ang pangangailangan ng bansa sa pagsugpo ng coronavirus disease.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.