Alessandra: Pakibilisan ang paglatag ng white sand sa Manila Bay…baka sakaling wala nang magutom
BINANATAN ni Alessandra de Rossi ang gobyerno sa naging desisyon nitong lagyan ng synthetic white sand ang Manila Bay.
Inilabas ng aktres ang pagka-bad trip sa hakbang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tabunan ng dolomite ang Manila Bay bilang bahagi ng sinasabi nilang rehabilitation.
Ngunit ayon sa report, mas marami pa umano ang dulot nitong panganib sa kalikasan.
Sunud-sunod ang tweet ni Alessandra laban sa pamahalaan lalo na sa DENR na sa halip unahin ang mga problema ng publiko dulot ng COVID-19 pandemic ay inuna pa ang paglalagay ng white sand sa Manila Bay.
“Pakibilis-bilisan naman ang paglatag ng white sand sa Manila Bay para sa mental health ng lahat. Baka sakaling wala nang magutom dahil busog na sa view. #ayudaparamasa,” simulang pang-aasar ng dalaga sa mga opisyal ng gobyerno.
Sinundan ito ni Alex ng isa pang post bilang sagot sa netizen na nagsabing bahagi lamang ng plano ng pamahalaan ang pagpapaganda sa Maynila.
Hirit sa kanya ni Alessandra, “Maganda ang Pilipinas noon pa. Hindi kailangan palitan ang kulay ng sand. Kung white nilagay ni God doon, doon sya.
“Yung bato dito, hayaan nyo sya. Wag niyo lang dumihan. Marami na ako napulot na diaper at bote sa mga beach trips ko. Ayoko din ng basura,” aniya pa.
Pahayag pa niya, “Parang retoke lang yan. You may get a nose or boob or whatever job, but if deep down inside you’re still that same person, wag nalang.
“If it makes you a better person, by all means, do it! I go for retoke ng Manila Bay to fix what needs to be fixed!”
Ipinagdiinan din ng aktres na hindi tamang sabihin na budget allocation ang isa sa mga rason para ma-justify nila ang pagpapatuloy ng nasabing proyekto lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Ako din. Naka-allocate din lahat for 2020! But I moved all my shoots to 2021 because I cannot risk the lives of others. Pandemic eh.
“For now, unahin ko dapat kong unahin. Saka na yung alulod namin. Tulungan natin mga taong nangangailangan. Magtulungan tayo! Kung sino may budget!” aniya pa.
Kung matatandaan, kinumpirma ni DENR Undersecretary Benny Antiporda sa isang panayam na may nakalaang P389 million ang pamahalaan para sa rehabilitation ng Manila Bay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.