Bus nawalan ng preno, 13 sasakyan inararo sa Makati City; 13 nasaktan
Labing-tatlo ang nasaktan matapos magkarambola ang 14 na sasakyan sa isang intersection sa President Osmeña Highway sa Makati City ngayong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ng Southern Police District, nawalan ng preno ang isang Pitbull Bus habang papalapit sa intersection ng Antonio Arnaiz Avenue sa Barangay Pio del Pilar dakong alas 9:00 ng umaga.
Dahil nakahinto ang traffic light sa Osmeña Highway, inararo ng rumaragasang bus ang 12 sasakyan na nakahimpil sa north-bound lane ng highway.
Unang binangga ng Pitbull Bus sa puwitan ang isang Ford Focus, at pagkatapos ay sinagasaan ang 11 motorsiklo, bago tuluyang bumangga sa kanang bahagi sa harapan ng isang JAC Liner bus.
Sa panayam sa telepono, sinabi ni Police Executive Master Sergeant Romel Salvador na apat ang isinugod sa ospital habang ang siyam na iba pa ay bahagya lamang na nasaktan.
Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang driver ng Pitbull Bus na kinilalang si Marlon Yandug Nacaytona, 29 taong gulang, para maimbistigahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.