Sa pagdagsa ng online sellers, mamimili mahalagang maprotektahan, ayon kay Rep. Koko Nograles

Si PBA Representative Jericho Nograles habang hawak ang isang hair treatment product na ang distributor ay may address na Manila Province, P.R. China.

Mistulang kabuting nagsulputan ang mga online sellers dahil sa mga restriksyon sa paglabas ng bahay bunsod ng umiiral na pandemya.

At sa pagbabago ng pamamaraan ng kalakalan ay may mga kaakibat ding bagong mga suliranin, pangunahin dito ang proteksyon ng mga mamimili.

Ayon kay Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Jericho “Koko” Nograles, kabilang sa isyung kinakaharap ng mga mamimili sa online market ay mislabelling o paglalagay ng hindi wastong impormasyon sa mga produkto.

Ibinigay niyang halimbawa ang kaso ng isang hair treatment product sa Binondo na sa label ay sinasabing probinsiya ng China ang Lungsod ng Maynila.

Maaalalang si Nograles ang nagbunyag ng isyung ito na lumikha ng matinding ingay sa social media.

Kaagad namang kumilso si Mayor Isko Moreno at ipinasara ang apat na tindahang nagbebenta ng produktong mali ang labelling sa Binondo.

Ganundin, nagsagawa ng hiwalay na imbistigasyon ang  Department of Justice, Department of Trade and Industry, at Bureau of Immigration sa nasabing isyu.

Sinabi ni Nograles na may sapat na batas ang bansa laban sa tinatawag na mislabelling.

“Existing laws are sufficient at the moment. The whole ‘Manila Province’ issue proved that laws and penalties are in place, so as long as these are enforced,” pahayag ni Nograles.

Para sa kanya, mas dapat tutukan ngayon ng pamahalaan ang mga pamamaraan kung paano mapoprotektahan ang mga mamimili ng mga produktong ibinebenta sa internet.

“If there’s any legislative effort needed, it would be online consumer protection by required registration,” ani Nograles.

Karaniwang produktong ibinebenta ng mga online sellers ngayon ay pagkain, damit, gadgets, at pati na rin facemask at alcohol.

Bunsod na rin ng pag-usbong ng mga online sellers, maging ang Bureau of Internal Revenue ay nagsabing dapat nang magparehistro ang mga ito para mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga mamimili.

 

Read more...