Melai 1 week dinedma si Jason matapos mag-away: Pakinggan mo ‘ko, para sa kabutihan ng lahat ‘to
ISANG linggo palang nagdedmahan ang mag-asawang Melai Cantiveros at Jason Francisco matapos mag-away noong kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
Ito ang diretsahang inamin ng TV host-comedienne nang mapag-usapan ang tungkol sa relasyon nila ng asawa ngayong may health crisis.
Ayon kay Melai, talagang hindi perfect ang married life nila ni Jason pero ginagawa nila ang lahat para gawing mas strong ang kanilang pagsasama.
Sa katunayan, kuwento ng “Magandang Buhay” host, nagkaroon sila ng pagtatalo ng asawa nu’ng kasisimula pa lang ng enhanced community quarantine at halos one week silang hindi nag-usap at nagkibuan.
“Nu’ng unang month kasi, hindi kami naggo-grocery sa amin. Sa loob lang talaga kami ng bahay. Ang naggo-grocery sa amin, ‘yung guard namin, pinapakiusapan namin. Para safe talaga kami,” kuwento ni Melai sa panayam ng “I Feel You”.
Aniya pa, “Dumating ‘yung time na kailangan talaga niyang asikasuhin ‘yung mga bagay-bagay and pwede na lumabas.
“Pero ako takot talaga ako kasi hindi ka pa marunong. Kapag lumabas ka, dapat alcohol ka bago ka humawak sa mata. Napunta na sa trust issue. So ako naman, kapag dadaldal na siya, magwo-walkout na ako,” lahad pa ng komedyana.
Mas tumindi pa raw ang away nila nang sabihin ni Jason na hihingi siya ng tulong sa kanyang personal assistant para sa ilang concerns niya sa trabaho.
“Nagalit ako. ‘Huwag ka na mag-personal assistant kasi papapasukin pa dito.’ ‘Yung personal assistant niya, kaibigan niya din. Nagtampo siya. Ako naman, pakinggan mo ako kasi para sa kabutihan naman nating lahat ito. Grabe ang sigawan dito,” chika pa ni Melai.
As in talagang wala raw silang pansinan matapos ang naganap na pagtatalo, “Tahimik kami mga one week, hindi kami nag-iimikan.
“Hanggang sa bigla na lang siyang may kailangan sa akin tapos bigla din akong may kailangan sa kanya. Nag-usap na lang kami.
“Doon na kami nag-usap after one week na, wala na kaming galit sa isa’t isa. Nu’ng nag-usap na kami, okay na,” sey pa ni Melai.
Kaya naman ang payo niya sa mga mag-asawa na dumaraan din sa mga ganitong issue, “Iwo-work out niyo talaga every day. Magkakaroon kayo ng understanding.
“I-choose niyo talaga ang isa’t isa kasi alam mong kailangan ng mga bata. Hindi ka na sarili mo lang ang iisipin mo.
“Kasi nu’ng kayong dalawa pa lang, ‘Ayaw ko, ayaw ko.’ Pero ngayon, lagi mong iisipin ang mga bata kasi kapag nag-away kayo, maghahanap sa papa nila. Ito pa namang dalawa, papa’s girl,” paliwanag pa ng Kapamilya TV host-comedienne.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.