Baninay nakipag-ayos na kay Pokwang: Sorry po, wala akong masamang intensiyon
LUMIKHA ng ingay ang paninita ni Pokwang sa vlogger at ex-PBB housemate na si Baninay na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon sa host ng bagong magazine show ng TV5 na “Chika BESH” hindi tama ang ginawa ng vlogger na mag-post ng video sa YouTube at palabasing parang bagung-bago ang content nito, lalo pa’t COVID ang topic niya.
Ayon kay Pokie, negatibo ang rapid test ni Baninay nitong Agosto 2 kaya nga siya nakapag-guest pa sa “Fill In The Bank”, ang bagong game show nila ni Jose Manalo sa TV5. Kaya naalarma siya nang lumabas ang vlog ni Baninay na may titulong positive siya sa COVID-19.
Bahagi ng tweet ni Pokie, “Hoy Baninay wag mong pagkaperahan yang clickbait mo para lang dumami views mo! negative kana diba last Aug.2?? July 21 ka nagkasakit tapos Aug.2 ok kana negative kana! Aug.16 naglaro ka samin nagpanic kmi kanina dahil di mo sinabi sa vlog mo na late upload nayan! pa trending ka!”
“Nalaman ko ngayong umaga lang kung di pa sya tinanong ng mga staff dahil may mga nakapanood na ng vlog nya! kaya sa takot ko umiyak ako at nag panic nauunawaan mo ba na may 2yrs old akong anak at 80 edad na nanay! Hindi nyo alam pakiramdam ng isang ina!
“Mauunawaan nyo lang ako kapag mga magulang na kayo at may mga anak at pamilya na pinoproteksyunan lalo na sa ilalim ng pandemic na ito. #BeResponsible.”
Nag-post din si Pokwang ng larawan ng anak kasama ang nanay niya, “Ito at sila ang dahilan bakit ganon ang naging reaksyon ko sa vlog mo (Baninay).”
“Pwede naman kasi hindi na ivlog. pinagkakakitaan nyo kasi yang sakit, tapos sasabihin nadi discriminate. kung hindi kayo nagvlog, edi walang paguusapan. simple as that,” sabi pa ng komedyana.
Samantala, natapos na rin naman ang isyu dahil ayon kay Pokwang okay na ang lahat dahil nag-usap na sila ni Baninay.
Humingi na ng paumanhin ang vlogger, “We already talked and settle things in private. I apologized for causing fear and ngayon po ay clear na lahat. Again, sorry po wala akong intensyon na masama.”
Aniya pa sa kanyang tweet, “I DO NOT TOLERATE ANY KIND OF DISCRIMINATION TO COVID PATIENTS, FRONTLINERS & EVEN SURVIVORS. This is one of the main reasons why we delayed the upload of our videos. We waited until everything went well. Thank you for all the love & prayers, stay safe everyone.”
Pero bago ang isyu kay Baninay ay nakipagsagutan na ang komedyanang aktres na ngayo’y TV host na rin, sa netizen na ikinumpara ang “Chika BESH” sa programang Magandang Buhay ng ABS-CBN na nawala na rin sa ere dahil hindi nabigyan ng bagong prangkisa ang network.
Ayon sa netizen ay pareho lang daw sa “Magandang Buhay” ang konsepto ng show nina Pauleen Luna-Sotto, Ria Atayde at Pokie.
“Actually marami ‘yan ganyan style isa-isahin natin po ha, Sis with Gelli de Belen, Janice (de Belen) at Carmina (Villaroel). Mars with Camille Prats (Prats), Iya Villania, Suzie Entrata, Kris and Korina. Meron pa, marami pa ‘yan ‘day. Morning Girls Zsa Zsa Padilla, Kris (Aquino) and Carmina. So saan at sino nagsimula?” balik-tanong ni Pokwang sa netizen.
Humingi rin ng suhestiyon ang “Chika BESH” host, “Baka po may idea kayo na mai-share, limahan naman ang hosts hindi tatlo lang gawin nating lima, ‘yung walang upuan ang guest.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.