Angeline inalala ang unang pagkikita nila ni Regine: Meron talaga akong altar ni Miss Regs!
NAPA-THROWBACK sina Angeline Quinto at Regine Velasquez sa unang pagkakataon ng kanilang pagkikita.
Alam naman ng lahat na ang Asia’s Songbird ang ultimate idol ni Angeline at talagang dinadambana niya ang OPM icon hanggang ngayon.
Taong 2011 nang sumikat si Angeline matapos tanghaling grand champion sa reality singing search na “Star Power” hosted by Sharon Cuneta.
Sabay na nag-guest sina Angeline at Regine sa recent episode ng online talkshow na “I Feel You” at dito nga nila inalala ang kauna-unahan nilang encounter.
“First time I met her when I saw her in ‘Star For A Night’, hindi ko alam na naglu-look up siya sa akin, hindi ko alam na gusto niya ang mga kanta ko, hindi ko alam talaga.
“That was the first time I saw her she was a baby, batang-bata, singkit na singkit pero, bibong-bibo na talaga siya,” simulang kuwento ng Songbird.
“I remember my father (Mang Gerry) told me I don’t know if it was a joke sabi, ‘uy magpapa-picture daw yung isang contestant sa ‘yo.’ Sabi ko, ‘a talaga?’
“Sabi nu’ng nanay, ‘may altar ka daw,’ may altar daw ako sa bahay nila!” ani Regine na ang tinutukoy ay ang mga litrato niya na koleksyon ni Angeline na nakapatong sa parang altar.
Paliwanag ni Angeline tungkol dito, “Ibig sabihin ni Mama Bob, may isang lugar ako sa kuwarto na puro picture lang talaga ni Miss Regs.
“Nu’ng elementary ako, di ba uso sa mga ganu’n edad yung stationery, laging ganu’n kapag mga babaeng mga bata. Yun ang laging binibili ng mga kaibigan ko,” aniya pa.
Dagdag pa ng singer, “Kapag birthday ko, wala silang ibang nireregalo sa akin kundi mga ginupit na picture ni Miss Rega sa magazine at dyaryo, naka-envelope yun tapos ididikit ko lahat.”
Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nakakasama na niyang mag-perform ang idol niya sa iisang stage.
“Lahat naman ng mga kilala ako, alam na alam ‘to, si Miss Regs kasi, isa yan sa mga pangarap ko na natupad, bukod sa kung anuman po ‘yung mga bagay na nabibigay ko kay Mama Bob. Alam na alam ni Mama Bob lalo si Miss Regs ang pangarap ko,” ani Angeline.
Mula noon hanggang ngayon, hindi pa rin daw nagbabago ang pakiramdam ni Angeline sa tuwing makaka-duet ang idolo sa bawat performance na ginagawa.
May payo rin siya sa mga tulad niyang nangarap na magtagumpay din sa buhay, “Ako ang masasabi ko lang, kasi sa buhay naman natin hindi lahat madali. Na kung ano ang gusto mo mangyari sa buhay mo at pangarap mo, makukuha mo agad.
“Naniniwala ako na sa dinami-rami ng mga singing contest na sinalihan ko, tinaggap ko yun ng buong puso dahil alam ko na meron talagang tamang panahon si Lord para sa akin,” sey ni Angeline.
Narito naman ang mensahe niya kay Regine, “Siguro kundi rin dahil sa mga kanta ni Miss Regs, wala rin ako dito ngayon. Kailangan lang natin mahalin ‘yung mga mahal nating gawin. Kung ano ang gusto natin gawin ‘yun ang pagtuunan natin ng pansin ‘yun ang trabahuhin natin at wag na wag tayo makalimot na humingi ng guidance.”
Sagot naman ng Songbird, “Sobrang proud ako na naging parte ako ng buhay niya, naging parte ako ng karera niya kahit paano, na-inspire ko siya to keep doing what she loves to do which is singing, I’m just so happy for her.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.