Constitutional responsibility laban sa COVID-19 crisis, hindi nagawa | Bandera

Constitutional responsibility laban sa COVID-19 crisis, hindi nagawa

Atty. Rudolf Philip Jurado - August 06, 2020 - 07:30 AM

Naghihintay ang mga pasahero ng libreng sakay habang sinisigurong may social distancing sa Commonwealth Avenue sa Tandang Sora, Quezon City noong Martes, Agosto 4, ang araw na muling isinailalim ang Metro Manila sa  modified enhanced community quarantine (MECQ). (Grig C. Montegrande/Inquirer)

Halos limang buwan na ang COVID-19 crisis pero tila walang epektibong solusyon nagawa ang gobyerno para labanan ang paglaganap o pagdami ng may COVID-19. At ngayon, ang tanging paraan, solusyon at plano na nilatag ay maghintay na lang ng pagdating ng vaccine, na maaring hindi mangyari sa loob ng anim na buwan o higit pa mula ngayon.

Ang ganitong polisiya ay hindi naaayon sa Article 2, Section 15 ng Constitution, kung saan sinasaad na ang estado ay may responsibilidad na itaguyod at pangalagaan ang karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan.

Maaaring totoo na ang vaccine laban sa COVID-19 ay ang tanging makakapagpigil sa crisis na ito, pero may mga paraan naman para mapigilan ang paglaganap nito habang hinihintay ang vaccine. Nagawa ito ng mga ibang bansa, gaya nang Vietnam, New Zealand at lalong lalo na ng Taiwan. Kaya walang duda na pwede din itong gawin at mangyari dito. Ngunit dahil sa umaasa na lang sa pag dating ng vaccine, walang nilatag na epektibong programa, plano at diskarte para mapigilan ang paglaganap at pagdami nito. Sa ngayon halos 112,593 na ang may COVID-19 sa ating bansa at ang bilang nito ay tuloy-tuloy na dumadami.

Sa puntong ito, nagkulang at nagpabaya ang gobyerno. Hindi nito nagampanan ang responsibilidad na pinataw ng Constitution, na itaguyod at pangalagaan ang karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan.

Mula ng sumiklab ang COVID-19 crisis, iba’t-ibang plano, programa at diskarte na ang ginamit ng gobyerno upang labanan ang paglaganap ng COVID-19. Karamihan dito ay hindi umubra at nagpalala pa ng sitwasyon.

Ang pagtatalaga ng mga namumuno sa mga ahensyang pangunahing lumalaban sa COVID-19 crisis ay hindi din nakatulong. Karamihan sa kanila ay mga retiradong military o police generals na walang karanasan o sapat na pag-aaral sa ganitong klaseng pandemya.

Ang ilang programa naman ay nauwi sa imbestigasyon ng Senado dahil sa diumano overpricing ng mga PPEs at mga iba’t-ibang equipment, kasama na din ang testing kit para sa COVID-19 na kinakasangkutan ng DOH, DBM at Philhealth.

Ano ba ang dapat gawin para mapigil ang paglaganap ng COVID-19?

Mass testing, contact tracing at isolation. Ito ang tatlong aksyon na ginamit o ginagamit ng mga ibang bansa para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.

Ang mass testing ay mukang hindi mangyayari dahil nauna ng sinabi ng Malacanang na hindi ito kayang tustusan dahil wala ng pera para dito. Pero kung walang mass testing para sa COVID-19, papaano malalaman kung sino ang mayroon sakit nito? Dapat munang malaman, sa pamamagitan ng mass testing, kung sino ang may COVID-19 bago magkaroon ng contact tracing.

Sa contact tracing, inaalam at hinahap ang mga taong nakasama o nakasalamuha ng isang may COVID-19. Mangangailangan ng maraming tao dito para gawin ang contact tracing. Ang ibig sabihin nito, mangangailangan din ng malaking pera para sa pasweldo o pagbayad sa mga contact tracer.

Huwag na sanang ituloy ang balak ng ibang namumuno na gamitin ang mga chismosa’t chismoso sa mga iba’t-ibang lugar para alamin kung sino ang may COVID-19 at kung sino ang mga nakasama at nakasalamuha nito. Ang mga ganitong sinusulong na paraan ay walang lugar sa ganitong seryosong crisis.

Kapag natukoy na ang mga may COVID-19 at ang mga nakasama o nakasalamuha nito, sila naman ay ilalagay sa quarantine o isolation. Ito ay para hindi na makahawa pa.

Bukod sa mass testing, contact tracing at isolation dapat din ipairal ang social distancing. Ito siguro ang dapat ipairal mabuti dahil ito ang laging nalalabag. Maaalala natin na kailan lang, nilagay at pinagsamasama sa Rizal Coliseum ang mga higit kumulang na 6,500 na locally stranded individual (LSI) na imposibleng mag social distancing. Kung sino man ang official ng gobyerno na nakaisip gawin ito ay dapat managot.

Gayon din ang polisiya sa riding in tandem ng mag-asawa sa motorsiklo at ang paglalagay ng divider dito. Ang mga ganitong paraan ay hindi makakatulong para maiwasan ang paglaganap ng sakit. Ito ay mailalagay lang sa peligro ang buhay ng ilan sa ating mamamayan.

Ang pag gamit ng face mask ay dapat din tutukan. Ito ay sinasabing epektibong paraan para hindi makahawa at mahawaan. Magbigay at magpamudmud sana ng mga face mask ang gobyerno sa mamamayan.

Marami pang paraan bukod sa mga nabanggit, kung papaano mapipigilan ang paglaganap ng COVID-19. Dapat lang sana itong pag- aralan at ipatupad mabuti ng ating gobyerno.

Ang pagpigil sa paglaganap ng COVID-19 habang hinihintay ang vaccine ay isang constitutional responsibility ng gobyerno, na sa kasamaang palad ay hindi ginagawa at ginagampanan ng mga namumuno.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hindi pwedeng maghintay na lang ng vaccine, na wala naman din katiyakan kung kailan magkakaroon. Kung mapipigilan, maski papaano o konti, ang pagkalat nito, maraming buhay ang maliligtas.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending