Alessandra, Bela nabahala sa viral video ng ostrich sa QC: Sana ilagay siya sa tunay niyang lugar
KUNG maraming natuwa at naaliw sa viral video ng ostrich na gumagala sa isang village sa Quezon City, may ilang celebrities naman ang nagpahayag ng pagkabahala rito.
Patok na patok sa madlang pipol ang kumalat na video kung saan makikita nga ang ostrich na humahabol sa isang sasakyan sa loob ng Mapayapa Village sa Quezon City.
Ayon sa report, nakawala raw ito mula sa isang bahay kung saan ito nakatira. Agad namang nahuli ang ostrich sa tulong ng ilang residente.
Maraming nag-react sa viral video at karamihan nga sa mga ito ay nagsabing parang eksena sa Hollywood movie na “Jumanji” ang kanilang napanood. Sunud-sunod din ang mga memes na naglabasan sa socmed na talagang bentang-benta sa netizens.
Pero para kina Bela Padilla at Alessandra de Rossi, hindi magandang pangitain ang makita ang isang ostrich na pagala-gala sa isang residential area.
“But also…are we allowed to keep ostriches at home? I kinda feel bad for that cute dude who probably ran for the first time today,” ang tweet ni Bela nang mapanood ang nasabing video.
Pinakalma naman ng isang netizen ang aktres na nagsabing dinala na ang nahuling ostrich sa wildlife center ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“Confirmed with my father who works in DENR, dinala na po sa Wildlife (DENR) today,” ayon sa netizen. Sinagot naman ito ni Bela ng,“This is such great news!”
Nag-alala rin si Alessandra para sa buhay ng ostrich, “Tiktok na ba ang punishment? But seriously, poor ostrich. Sana di nasaktan.
“Minsan lang nakalaya, kulong na naman. Sana ilagay sya sa tunay niyang lugar,” aniya pa sa kanyang tweet.
Para kay Alex, hangga’t maaari ay huwag na sanang mag-alaga ng wildlife animals ang mga tao at ikukulong lang sa kani-kanilang mga tahanan.
“Tuwang-tuwa ako sa zoo dati. Nung lumaki na ako, di ko na kaya. Gusto ko lang makakita ng gorilla, pero naawa din ako. Pati sa lahat.
“Sana hindi sila nakakulong lang. May YouTube naman na for info. Di na kailangan sa personal para maconfirm. Or safari nalang. Let them be,” lahad ng aktres.
Ayon sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act, ang pag-aalaga ng ostrich bilang pet ay pinapayagan kung ito’y naka-register sa DENR.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.