Ito ang bansag ng mga taga-ABS-CBN sa patuloy na pagbabawas ng mga empleado na epektibo sa August 31.
Sa News Division ni Ging Reyes, walang natira sa lahat ng mga current affairs programs, kabilang ang mga kumikitang “RATED K” ni Korina Sanchez, FAILON NGAYON ni Ted Failon, MY PUHUNAN ni Karen Davila, MISSION POSSIBLE ni Julius Babao, SOCO ni Gus Abelgas, NO FILTER ni Jeff Canoy, KUHA MO , ni Ka Tunying Taberna at Jorge Cariño , MATANGLAWIN ni Kim Atienza pati ang morning show na UMAGANG KAY GANDA nina Ariel Ureta, Amy Perez, Winnie Cordero, Gretchen Ho at sina Taberna, Carino, Canoy. Kanselado rin ang late night Tagalog newscast na BANDILA nina Karen Davila, Ces Drilon at Julius Babao.
Hanggang ngayon, patuloy ang pagpapatawag sa mga top officials ng News na ang iba’y nag-avail na lamang ng “retirement” kaysa tanggapin ang malaking “pay cut” sa sweldo.
Binuwag din ang mga local TV PATROL at ang REGIONAL NEWS sa Bicol (Legazpi-Naga) , Northern Luzon (Baguio) , Palawan, Southern Tagalog (Batangas) , Central Visayas (Cebu) , Eastern Visayas (Tacloban) , Negros (Bacolod) at Panay (Iloilo). Sa Mindanao, sibak din lahat ang TV Patrol Chavacano (Zamboanga) ,North Mindanao (Cagayan de Oro) , South Central Mindanao (Cotabato) at Southern Mindanao (Davao-Gensan).
Karamihan ng mga nasibak ay may serbisyo nang 15 hanggang 25 taon. Merong mga balita na ang matitira lamang sa TV PATROL Manila ay sampung reporter at sampung cameraman.
Kahit DZMM ay nagtigbak din ng maraming regular na empleado, mula managers, desk editors at mga radio reporters. Sibak din lahat ng mga programa maliban na lamang sa lumalabas ngayon sa TELERADYO.
At hindi lamang sa Radio-TV operations nagkasibakan, halos 90 percent ng mga negosyo ng ABS-CBN ay isinarado. Isang ehemplo rito ang CREATIVE department na gumagawa ng mga station ID’s at pluggings ng mga entertainment at news programs, 15 lang ang natira sa halos 200 empleado nito.
Maging sa Entertainment Division ni Madam Cory Vidanes, maraming mga artista ang pumayag na sa malaking “pay cut” sa kanilang mga kontrata. Pati, Film restoration ay nawalan ng empleado at pondo. Ang mga taping ng mga shows ay nahinto kung kayat pati mga regular na kontratista nila (rent a car, catering, set designs, etc) ay natigil din.
Tanging ang ABS-CBN NEWS CHANNEL (ANC) ang nakaligtas sa massacre dahil patuloy ang programming nito sa SKYCABLE.
Ayon sa aking sources, yung mga empleadong kasapi sa supervisors o sa labor union ay medyo maganda ang matatanggap pero doon sa mga technical specialists o walang union ay makukuha lamang ang benepisyong alinsunod sa itinatakda ng labor laws.
Talagang napakasakit ng nangyaring ito sa Kapamilya network lalot wala nang prangkisa ang kanilang free television Channel 2 at ang number-1 nilang AM radio station DZMM, kasama ang MOR 101.9 FM. Ang tatlong ito ang kanilang “money factory” hanggang sa tuluyan nang mag-expire ang prangkisa noong Mayo 4.
Meron akong naririnig na negosasyon na mag-block time sa ABC-TV 5 o kaya’y sa CHANNEL 11 ni Evangelist Eddie Villanueva, pero wala pang konkretong indikasyon kung gagawin nga ito ng Kapamilya network.
Mula ngayon hanggang sa Agosto 31, mahirap talagang mapigilan at matagal huhupa ang mga luha ,panaghoy at galit ng napakaraming biktima ng pinakalamawak na masaker ng mga trabaho sa kasayasayan ng Philippine media.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.