Regine: Aaminin ko pinanghihinaan na ako ng loob, hanggang kailan pa kaya kami may trabaho?
DIRETSAHANG inamin ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez na mas tumitindi na ang pag-aalala niya sa estado ng kanilang trabaho sa ABS-CBN.
Hindi lang daw ito para sa kanya at sa mga kapwa niya artista at performers ng network, kundi pati na rin sa lahat ng mga manggagawa sa likod ng mga camera.
Ayon sa Songbird, tulad ng mahigit 11,000 empleyado ng Kapamilya network, iniisip din niya kung hanggang kailan pa sila may trabaho.
Sa pamamagitan ng Twitter, inilabas ni Regine ang kanyang pangamba ngayong tuluyan nang ipinasara ang ABS-CBN.
“Habang tumatagal aaminin ko napanghihinaan na ako ng loob.
“Hindi ko alam kung may trabaho pa kaming lahat,” simulang mensahe ng singer-actress.
Dagdag pa niya, “Ang nakakalungkot parang ikinatuwa pa ng mga taong dapat ay nagtatangol sa ating karapatan.
“Bakit ganito??? Sana panaginip lang lahat ng ito [crying face and broken hearts emojis],” tweet pa ng Songbird na binura rin niya agad sa kanyang account.
Naniniwala ang mga netizens na ang tinutukoy ni Regine na “mga taong dapat ay nagtatanggol sa ating karapatan” ay ang 70 kongresista na pumabor sa tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN.
Siguradong ganito rin ang nararamdaman ngayon ng asawa niyang si Ogie Alcasid na mas nauna pang lumipat sa ABS-CBN mula sa GMA.
Noong October, 2018 nang mag-ober da bakod si Regine sa Kapamilya network makalipas ang halos 20 years bilang Kapuso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.