Hiling ni Vice kay Lord, sagipin ang ABS-CBN; 3-day vigil para sa prangkisa | Bandera

Hiling ni Vice kay Lord, sagipin ang ABS-CBN; 3-day vigil para sa prangkisa

Ervin Santiago - July 07, 2020 - 02:48 PM

 

LIBU-LIBONG Filipino ang magdurusa nang mahabang panahon kapag tuluyan nang nagsara ang ABS-CBN.

 

Yan ang ipinagdiinan ng TV host-comedian na si Vice Ganda sa latest post niya sa Instagram habang ginaganap ang hearing sa Kongreso para sa prangkisa ng ABS-CBN.

 

Muling nag-alay ng dasal si Vice Ganda para sa kanyang mother network na hanggang ngayo’y naghihintay pa rin ng desisyon kung mabibigyan pa ng bagong prangkisa.

 

Sabi ng It’s Showtime host, kung tuluyan nang magsasara ang istasyon, milyun-milyong Pinoy ang mawawalan ng pagkukunan ng mahahalagang balita at impormasyon pati na rin ng serbisyo at entertainment.

 

“Malaking pagdurusa sa araw araw na buhay ng milyon milyong Pilipino pag tuluyang nawala ang ABS CBN. Dito sila umaasa ng karagdagang impormasyon, libangan at serbisyo.

 

“Malaking panganib sa lipunan pag mahigit 11,000 pamilya ang naapektuhan ng kawalan ng trabaho.

 

“Panginoon nananalangin po kami sa inyo…Sagipin nyo po ang ABS CBN,” ang hiling pa ni Vice sa Panginoon.

 

Bukod dito, nag-post din si Vice ng isang maikling video na may titulong #IbalikAngABSCBN. Aniya sa caption, “Kailangan ng mga mamamayang Pilipino ang ABS CBN. #VoteYesToABSCBN.”

 

* * *

Samantala, nagdaos ng tatlong-araw na vigil ang mga manggagawa at tagasuporta ng ABS-CBN sa compound ng kumpanya sa Quezon City bilang panawagan sa publiko na iparating sa mga mambabatas na bumoto ng “yes” sa prangkisa ng ABS-CBN.

 

“Patuloy kaming nananawagan sa ating mga kababayan na magpakita ng support at ibahagi ang kanilang nararamdaman,” sabi ng presidente ng ABS-CBN Supervisory Employees Union na si Raul Asis.

 

“Sana po huwag na patagalin ang pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN dahil ang mga empleyado po ay sobra na pong apektado. Sana po ay pakinggan naman nila ngayon ang taong-bayan,” aniya pa.

 

Tuluyan nang hihinto ang operasyon ng broadcasting service ng ABS-CBN na nagsimulang mag-operate noong 1953 sakaling manaig ang mas maraming “no” sa botohan.

 

Ilang mambabatas at cause-oriented groups na rin ang humikayat sa mga kongresista na ikonsidera ang kapakanan ng 11,071 manggagawa ng kumpanya na nanganganib mawalan ng trabaho kung hindi maibigay ang prangkisa.

 

Umapela naman si ABS-CBN Rank & File Employees Union president Jon Villanueva na payagan ang ABS-CBN na patuloy na paglingkuran ang publiko at tumulong sa gobyerno para labanan ang pandemya.

 

“Patuloy kaming mananawagan sa kongresista na bumoto pabor sa ABS-CBN franchise para sa kapakanan ng higit 11,000 na manggagawa.  Mahalaga po sa amin ang ABS-CBN dahil bukod sa pagiging mapagbigay na kumpanya, kami din po ay kanilang inaalagaan na parang kapamilya,” aniya.

 

Nagtipon-tipon ang mga manggagawa at tagasuporta ng network sa broadcast compound sa Esguerra Avenue sa Quezon City para magsulat ng mga mensahe ng pagsuporta sa freedom wall na tinawag na RENEWall na nasa labas ng gate ng ABS-CBN.

Ang iba ay nag-iwan pa ng mga bulaklak at lobo sa paligid, na pawang puno ng mga banderang may dekorasyong puso na may kulay na red, green, at blue (RGB), ang mga kulay ng ABS-CBN logo.

 

Ang mga artista tulad nina Vice Ganda, Martin Nievera, Judy Ann Santos, Kathryn Bernardo, Angel Aquino, Karla Estrada, Jake Cuenca, Gary Valenciano, at iba pang Kapamilya stars ay nakiisa rin sa panawagan sa pamamagitan ng pagpaparinig ng kanilang boses online para iapela ang positibong resulta para sa prangkisa ng ABS-CBN.

 

“Tanging dasal na lang ang kinakapitan naming lahat, hindi na para lang sa aming mga artista kundi para sa pamilya ng mga empleyadong nawalan ng trabaho, para sa mga nangangailangan ng mga impormasyon sa mga malalayong lugar, para sa ekonomiya natin na patuloy ang pagbagsak dahil sa pandemya,” sabi ni Judy Ann.

 

“With every ounce of humility that I can muster, I beg of you, please give us a chance to be better,” panawagan ni Martin sa kanyang open letter na para sa mga kongresista. “I pray you all make the right decision where it’s a win-win for all concerned.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Sinagot na rin ng ABS-CBN ang mga isyung may kinalaman sa foreign ownership, 50-year limit sa mga prangkisa, paggawa, buwis, at digital TV broadcast at nanindigang sumunod ito sa mga umiiral na batas at regulasyon.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending