2 barko nagsalpukan: mahigit 30 patay, 629 ligtas | Bandera

2 barko nagsalpukan: mahigit 30 patay, 629 ligtas

John Roson - August 18, 2013 - 03:14 PM


HINDI bababa sa 31 katao ang nasawi habang 629 ang naligtas at 172 pa ang nawawala matapos sumalpok ang pampasaherong barko sa isang cargo ship at lumubog sa bahagi ng dagat na sakop ng Talisay, Cebu, kamakalawa ng gabi.

Ibinigay ni Cmdr. Winiel Azcuna, commander ng Coast Guard Station Cebu, ang mga pigura kasabay ng patuloy na pagsuyod ng mga tauhan ng Navy, Coast Guard, at maging mga sibilyan sa dagat para makakita pa ng mga survivor kahapon ng hapon.

Kabilang sa mga nasawi ang apat kataong narekober malapit sa kinalubugan ng M/V St. Thomas Aquinas, ayon kay Lt. Jim Alagao, public affairs officer ng Armed Forces’ Central Command (Centcom).

“Kasama na diyan  ‘yung apat na nakita sa vicinity ng lumubog na Aquinas. Nakuha ng mga divers ng NAVSOU5 (Naval Special Operations Unit-5) at a depth of 120 feet (36.58 meters),” sabi ni Alagao sa isang text message.

Sa mga nakaligtas, 247 ang dinala sa iba-ibang pagamutan sa Cebu City para malunasan o di kaya’y isailalim sa medical check-up, aniya.

Naligtas din ng mga tauhan ng Navy ang isang sanggol, na nasa kritikal na kondisyon at kinailangang dalhin agad sa Cebu City Pier sakay ng barko ng Coast Guard para malunasan, ayon naman kay Navy spokesman Lt. Cmdr. Gregory Fabic.

Nasa 58 sanggol umano ang sakay ng St. Thomas Aquinas nang ito’y lumubog matapos makasalpukan ang cargo ship ng Sulpicio Lines na M/V Sulpicio Express-7, dakong alas-9 ng gabi Biyernes malapit sa Lauis Ledge, ayon sa Navy.

Divers ikinalat
Nagpadala ng divers ang Navy at Coast Guard sa pinangyarihan kahapon ng umaga  at natagpuan ang lumubog na barko sa lalim na 150 piye (45.7 metro), ayon kay Lt. Gen. Roy Deveraturda, hepe ng Centcom.

Inaasahan na may mga darating pang technical diver para tulungan ang mga awtoridad sa pag-alam kung may mga tao pang naiwan sa loob ng barko, aniya.

Ang pinangyarihan ng salpukan ay tinatayang 600 yards (548 metro) kanluran ng Lauis Ledge at may lalim na 45 fathoms (82.3 metro), ayon kay Alagao.

Dumating sa Cebu kahapon ang karagdagang divers ng Navy mula Maynila at Palawan lulan ng C-130 military plane para sumali sa paghahanap sa mga nawa-walang tao.

Ang mga nawawala, nasawi, at mga nakaligtas ay pawang mga sakay ng St. Thomas Aquinas, ayon kay Azcuna.

Panahon nagbanta
Matiwasay na naisagawa ang search and rescue operation kahapon, ngunit nang sumapit ang hapon ay nagsimula nang sumama ang panahon.

“Huminto sa pagpapalipad ng dalawang choppers due to bad weather,” sabi ni Alagao sa isang text message pasado alas-3.

Ayon naman kay Azcuna, ilang bahagi ng Cebu City, kabilang ang Pier kung saan nandoon ang kanilang Coast Guard Station, ay dumanas pa ng “brownout” pagdating ng hapon.

Sa kabila nito ay di hininto ang paghahanap para sa mga nawawalang sakay ng barko. “Tuluy-tuloy po ‘yung operation natin, together with the Philippine Navy and other local government units, tuluy-tuloy po ang rescue operation dito,” dagdag ni Azcuna.

Nilunsad ang operasyon matapos makatanggap ang mga awtoridad ng “distress call” mula sa St. Thomas Aquinas ilang sandali pagkalipas ng alas-9 ng gabi Biyernes.

Agad na pinasok ng tubig ang St. Thomas Aquinas, na pag-aari ng 2Go Group Inc., matapos ang salpukan at nakitang lumubog na sa loob lang ng ilang minuto, ayon kay Deveraturda.

“‘Yung barko ay nag-take in ng water and is starting to [sink], palubog na… pumapasok na ‘yung water sa hull niya,” sabi ni Deveraturda nang kapanayamin sa telepono alas-11 ng gabi Biyernes.
841 lang sa manipesto
Sa isang kalatas sa website nito, sinabi ng 2Go na 723 pasahero’t 118 crew, o kabuuang 841 katao, at 104 piraso ng 20-footer container lang ang nasa manipesto ng St. Thomas Aquinas.

Kapag pinagtagni-tagni ang bilang ng mga awtoridad sa mga nasawi, nakaligtas, at nawawala ay aabot sa 876 ang taong sakay ng barko, mas marami ng 35 kaysa sa nasa manipestong tinutukoy ng 2Go.

Gayunpaman, sinabi ng 2Go na ang barko ay may “authorized capacity” na 1,010 pasahero’t crew at 160 piraso ng 20-footer container.

Una rito, sinabi ni Deveraturda na nakatanggap sila ng initial na ulat na 690 katao lang ang sakay ng St. Thomas Aquinas.

Ayon naman kay Office of Civil Defense-7 director Minda Morante, nakatanggap pa siya ng “raw information” na mahigit 400 pasahero lang ang dala ng St. Thomas Aquinas nang umalis ito ng Nasipit Port, Agusan del Norte, patungong Cebu.

“‘Yun ang isa sa mga sinusubukan naming i-confirm dito… ‘Yung ganyan, although raw information, kasi minsan merong mga nakaakyat na sa barko, doon na lang kumukuha ng ticket, hindi mo talaga ma-account yan,” ani Morante.

Malas na salubungan

Ayon sa 2Go, galing ang St. Thomas Aquinas sa  Nasipit Port, at mag-“stopover” sana sa Cebu City alas-10 ng gabi bago maglayag patungong Maynila.

Ang Sulpicio Express-7 naman ay kaaalis lang noon sa Cebu City Pier patungong Davao, ayon kay Morante.

“Papasok na siya (M/V St. Thomas Aquinas) sa Cebu City port, tapos ‘yung isa namang barko from the Cebu City port, palabas naman, nagpang-abot sila, ganoon ang nangyari,” aniya.

Inalerto lahat ng ospital sa Talisay at mga katabing bayan matapos kumalat ang balita tungkol sa salpukan ng dalawang malaking barko, dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasyente, ayon kay Morante.

“Nag-alerto tayo ng mga ospital na silang lahat ay ‘to recieve and receive,’ kasi di ‘yun kakayanin lahat ng Talisay District Hospital,” aniya.

“Immediately after the collision, the crew of the M/V St. Thomas distributed life jackets to the passengers and carried out emergency abandon-ship procedures.

At the same time, the ship’s officers sent a distress signal to the nearest Philippine Coast Guard Station to alert them for immediate rescue operations,” sabi naman ng 2Go.

Nagtayo rin ng emergency operations center sa pier para mabigyan ng tulong, kabilang ang pagkai’t tuyong damit, ang mga nakaligtas, ayon sa kompanya.

“Those needing medical attention have been attended to by onsite medical personnel while others have already been brought to nearby hospitals. The rest of the passengers have been offered accommodations at a nearby hotel,” sabi pa ng 2Go.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hanggang kahapon ay di pa mabatid ang sanhi ng salpukan dahil kailangang unahin ang paghahanap sa mga nawawala pang sakay ng barko at pagtulong sa mga nakaligtas at pamilya ng mga nasawi, ayon kay Morante.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending