BAGAMAT may kautusan ang Philippine Basketball Association (PBA) na nagbabawal sa mga players na ipinagpaliban ang paglahok sa draft sa loob ng dalawang taon o ‘yung tinatawag na “Ray Parks Jr. rule” hindi naman umano nais ng liga na diktahan ang playing career ng isang amateur standout.
Ipinaliwanag ni PBA commissioner Willie Marcial nitong Sabado na ang nasabing kautusan na nagbibigay ng kapangyarihan sa PBA na i-ban ang mga players na hindi lumahok sa draft sa loob ng dalawang taon ay ipinatupad para protektahan ang diwa ng draft at hindi para limitahan ang opsyon ng mga amateur cagers.
“It’s an offshoot of Parks’ case,” sabi ni Marcial sa panayam ng Inquirer. “After he became eligible for the draft [in 2014], remember he did not apply for the draft. The PBA realized that it could be a concern in the future where players would skip drafts to avoid certain teams picking them or wait for teams they like to have a shot at picking them.”
“We want to protect the spirit of the draft. That’s why if a controversy arises, we look for solutions to prevent the same thing from happening again,” dagdag pa ni Marcial.
Matatandaan na ipinatupad din ng PBA ang kautusan na nagbabawal sa mga koponan na may hawak ng No. 1 pick na ipamigay ang nasabing pick at ito ay bunga ng naging isyu kay Christian Standhardinger. Ang nasabing kontrobersya ay nangyari noong 2017 kung saan nakuha ng San Miguel Beermen ang mahusay na Filipino-German big man sa isang trade para sa No. 1 draft rights ng Kia.
Dumagsa naman ang kritisismo sa social media sa nakalipas na mga araw matapos na mapaulat na si Thirdy Ravena ay humingi ng pahintulot sa liga para makapaglaro sa Japan. Si Ravena, na dating Ateneo Blue Eagles star player at posible sanang top pick sa PBA draft, ay pumirma sa San-en NeoPhoenix sa Japanese B.League matapos makausap ang liga tungkol sa kanyang plano.
“We don’t want to stand in the way of any player who wants to play elsewhere. Everyone is free to choose his career path. If they feel the PBA is not for them, then it’s OK,” ani Marcial.
Ipinaliwanag pa ni Marcial na wala sa diwa ng nasabing kautusan na diktahan ang mga players sa nais nilang gawin bagkus hangad ng PBA na turuan ng leksyon ang sinuman na babaluktutin ang alituntunin ng rookie draft.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.