Panghaharass sa radio reporter pinangangambahan na maging new normal
NAGPAHAYAG ng pagkabahala si House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman sa panghaharass umano ng mga pulis sa isang radio reporter na nagla-live traffic report sa Marikina City.
Umaasa rin si Hataman na hindi magiging “new normal” ang ginagawang ito ng mga pulis.
“Magpapatawag pa lang kami ng imbestigasyon laban sa mga pulis Maynila na tila lumabis sa kanilang kapangyarihan kamakailan lamang, makakarinig na naman tayo ng ganitong kwento. Ngayon naman, taga-GMA7 ang nagrereklamo. Hindi ba nakakapangamba na ang nangyayari?” tanong ni Hataman.
Tinutukoy ni Hataman ang iligal na pag-aresto umano sa dalawang Muslim sa Maynila kamakailan.
Ayon sa dzBB reporter na si Mark Makalalad siya ay nagla-live report ng trapiko nang sitahin ng mga pulis dahil hindi umano ito nagpaaalam sa kanyang gagawin.
Araw-araw itong ginagawa ni Makalalakad kaya nagtanong ito kung ito ang bagong polisiya ng Joint Task Force-COVID Shield. Sumagot ang mga pulis na hindi subalit kinukuhanan umano ni Makalalad ng video ang mga pulis kaya dapat magpaalam ito.
Itinanggi ng reporter na kinukuhanan nito ng video ang mga pulis. Sinabi umano ng isang pulis na “baka kasi sir kalaban ka”.
“Nananawagan ako sa PNP leadership na imbestigahan ito at ang iba pang kaso ng media harassment at parusahan kung natagpuang lumabis sa otoridad ang nagkasala. Hindi lamang re-assignment na pwede pa silang magpatuloy sa kanilang pang-aabuso. Hindi dapat ito ang maging ‘new normal’ sa pagpapatupad ng batas,” ani Hataman.
Iginiit ni Hataman na ang media ay frontliner din na nagsisilbing tagapaghatid ng mga nangyayari at impormasyon na kailangang malaman ng publiko.
Nagtataka rin si Hataman kung bakit bawal na makuhanan ng video ang mga pulis na nasa pampublikong lugar.
“Bakit bawal kayo mahagip ng media video? May ginagawa ba kayong masama? I would like to think wala naman. Ibalik natin ang tiwala ng taongbayan sa ating mga kapulisan. Magsisimula yan sa magandang example ng ating mga law enforcers,” dagdag pa ni Hataman.
Iniugnay ni Hataman ang pangyayaring ito sa pag-aresto at paghalughog sa bahay ng dalawang negosyanteng Muslim ng walang warrant.
“Kung nagagawa nila ito sa karaniwang negosyante, lalo na sa mga miyembro ng ating ‘4th Estate,’ paano na ang ating mga kababayan? Paano na ang mga walang kaya sa buhay at hindi maipagtanggol ang mga sarili? This should not be the case, and I think the PNP should come up with clear-cut policies on protecting rights and re-indoctrinate its police force on the concept of the greater good,” saad ng solon.
Lalo umanong nagdadala ng takot ang mga pangyayaring ito sa dagdag na kapangyarihan na ibibigay sa otoridad sa ilalim ng Anti-Terrorism Bill.
“I cannot stress this enough: it is okay to protect your ranks, but your main duty and obligation is to protect the people, not subject them to harassment. Media pa yan, pano kung karaniwang tao lamang?”
Nanawagan si Hataman na magkaroon ng mabigat na parusa sa mga alagad ng batas na aabuso sa kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanila.
Bago ito ay nag-viral din ang ginawang pagkuha ng isang opisyal ng pulis sa cellphone ng GMA7 reporter na si Jun Veneracion na ginamit nitong pagkuha ng video sa kaguluhan sa Traslacion sa Quiapo noong Enero.
Binura ang video subalit hindi alam ng pulis na maaari pang mabuksan ang file kaya naipalabas ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.