John Lloyd may panawagan sa mga Cebuano para labanan ang COVID-19: No more excuses!
NANAWAGAN si John Lloyd Cruz sa madlang pipol, lalo na sa mga Cebuano na patuloy na sundin ang health protocols sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Isa si Lloydie sa mga celebrities na nababahala sa patuloy na pagtaas ng COVID cases sa Cebu na nananatiling nasa ilalim ng enhanched community quarantine.
Base sa ulat, as of June 22, may 4,449 cases na ng COVID sa Cebu City pa lang kaya naman nag-aalala ang mga Cebuano na baka lumala pa ang krisis sa kanilang probinsya kapag patuloy na nagpabaya ang kanilang mga kababayan.
Dahil dito, nakiisa na si Lloydie sa patuloy ng kampanya ng Cebu City kontra-COVID-19 kung saan muli niyang pinaalalahanan ang kahalagahan ng pagsunod at pakikinig sa mga paalala ng gobyerno partikular na ng Department of Health.
Sa pamamagitan ng video message through University of the Philippines Medical Alumni Society – Cebu Chapter, muling ipinaalala ni John Lloyd ang ilang mahahalagang health protocols lalo na sa mga essential workers at iba pang “runner” o ang tinatawag na “alay” ng bawat pamilya na siyang nakatokang bumili ng supplies.
“Ako man guilty usahay (Kahit ako guilty minsan). Pero sugod karon, wa nay rason (Pero simula ngayon, wala nang rason). No more excuses,” ani John Lloyd.
Dugtong pa niya, “Magsuot ho tayo ng face mask. Maghugas lagi ng kamay. Manatili po tayo sa ating mga balay (bahay). At kung kinakailangan po lumabas, sundin po ang social distancing. Naay paglaum. Kita ang paglaum (May pag-asa. Tayo ang pag-asa).”
Ilang taon nang naninirahan sa Cebu ang aktor. Mula nang iwan niya ang showbiz ay doon na siya namalagi kasama ang ex-partner na si Ellen Adarna.
Kahit naghiwalay na sila ng dating sexy actress, mas pinili pa rin ni Lloydie ang buhay promdi kung saan regular niyang nakakasama ang anak nila ni Ellen na si Elias Modesto.
At sa sarili niyang effort, nag-aabot din ng ayuda si John Lloyd sa mga Cebuano na malubhang naapektuhan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.