TINATAPOS na ang isang molecular laboratory sa Benguet General Hospital upang madagdagan ang kapasidad ng rehiyon sa pagsusuri ng coronavirus disease 2019 swab samples.
Ayon kay ACT-CIS Rep. Eric Yap patuloy din ang pakikipag-ugnayan nito sa Inter Agency Task Force para sa suplay ng test kits at iba pang kailangan para sa Automated Extraction Machine.
Si Yap ang itinalaga ng Kamara de Representantes bilang caretaker ng Benguet.
Isang resolusyon ang inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Baguio City upang pasalamatan si Yap na naglabas ng sariling pera para may magamit na real-time Polymerase Chain Reaction (rt-PCR) machine ang Baguio General Hospital and Medical Center.
Inaprubahan ng City Council ang Resolution 359 – 2020 sa pangunguna ni Vice Mayor Faustino Olowan na suportado ni Mayor Benjamin Magalong.
“Bilang legislative caretaker ng Benguet, batid po natin ang mahalagang papel na ginagampanan ng Baguio General Hospital sa patuloy na pakikipaglaban natin sa COVID-19. Lahat po ng swab tests hindi lang sa Baguio City at Benguet, kundi maging sa ibang probinsya sa Northern Luzon, ay umaasa sa serbisyo at kakayahan ng Baguio General Hospital and Medical Center kaya’t minabuti nating bumili mula sa ating sariling bulsa ng dagdag na PCR machine at Automated Extracting Machine upang mas maparami at higit na mapabilis ang paglabas ng mga resulta ng ating COVID testing,” ani Yap.
Iginiit ni Yap na ang mabilis na pagtukoy sa mga nahawa ng COVID-19 ay mahalaga upang mapagtagumpayan ang laban na ito.
“Panahon na para hindi lang tayo dumepensa laban sa COVID-19, kailangan natin na mas maging agresibo upang hanapin ang mga kasong ito at gamutin upang mailayo natin sa alanganin ang kalusugan ng ating mga kababayan,” saad ng solon.
Kinilala at nagpasalamat din si Yap sa mga frontline workers. “Sa panahon na ito, nakita ko ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagkakaisa. Hindi ito ang panahon upang kumita ng pera, ito ang panahon upang tumulong sa ating kapwa sa anumang paraan.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.