Papel ng ChinaTel banta sa privacy ng internet subscribers–solon
LUMOBO pa ang pangamba na magdudulot ng panganib sa seguridad ng Pilipinas ang partisipasyon ng China Telecom sa tinaguriang third telco.
Ayon kay Deputy Minority Leader Isagani Zarate, may mga bago umanong isyung kinasasangkutan ang state-owned telecom ng China na “kung mapatunayan ay lubhang mapanganib hindi lang sa seguridad ng bansa kundi maging sa privacy ng bawat internet subscribers.”
Ipinaliwanag ng mambabatas na isang telcom watchdog ang nagsiwalat na may namumuong malware o isang uri ng virus na gawa umanong China na pwedeng i-hack o dumukot ng SMS data mula sa mga texter.
Ani Zarate, sinusubaybayan ng FireEye Mendiant ang nasabing malware na tinatawag na “MessageTap” na pinagdudahang magagamit ng China para i-monitor at i-save ang mga madudukot nilang messages mula sa pribado at taga-gobyernong subscribers ng ibang cellular nerworks.
“Worse, China has been charged by many countries of espionage using its telecom companies, aside from the very fact that its information technology experts are now running the energy grid of our country,” dagdag ng mambabatas.
“Nangyayari ang pagpapaubaya natin sa kontrol ng teknolohiya ng Tsina sa ating energy grid at telecom infrastructure habang umiigting naman ang isyu ng kanilang pananakop sa ating mga karagatan at baybayin,” aniya.
Isa pang miyembro ng Kamara ang nagpahayag na dapat repasuhin at irekonsidera ng Kongreso ang papel ng China Telecom sa third telco at sa national grid ng bansa dahil na rin sa isyu ng national security.
“Maging ang posisyon natin sa pagbawi sa mga islang kinubkob ng Tsina ay humihina dahil sa mga kompromisong pinasok ng ating gobyerno sa kanilang mga mamumuhunan,” ani Rep. France Castro.
Nauna rito ay nagpahayag na rin ng pangamba si Sen. Grace Poe, chair ng Senate public service committee, sa pagkontrol ng China Telecom sa internet traffic ng bansa na posible umanong gamitin ng kanilang gobyerno laban sa interes ng bansa at sa mamamayang Pilipino.
Maging si Sen. Francis Pangilinan ay may nauna nang nagbabala na posible ring gamitin ng nasabing state-owned China Tel ang kanilang mandato na mangalap ng mga impormasyon para sa kanilang gobyerno alinsunod sa kanilang batas na National Intelligence Law of 2017.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.