Lubos ang pasasalamat ng national boxer na si Eumir Felix Marcial sa Philippine Sports Commission (PSC) sa patuloy na suporta nito sa kanya kahit pa magdesisyon siyang maging isang professional boxer.
“Labis po ang aking pag-alala nang mabalitaan ko ang posibilidad na tanggalin ng gobyerno ang kanilang suporta sa aking hangad na manalo ng Olympic gold sakali man na ituloy ko ang pagpasok sa professional boxing,” sabi ni Marcial sa kanyang opisyal na kalatas sa publiko.
“Nais ko din linawin na ang posibilidad na pagpasok ko ng professional boxing ay hindi po masasabing desisyon na aking minamadali. Sa tulong po ng aking pamilya at mapagkakatiwalaang mga kaibigan, dalawang taon ko na po itong pinag-aaralan simula nang dumating ang unang offer noong 2018.”
Nakakuha ng kuwalipikasyon si Marcial para sa 2020 Olympic Games na gaganapin sa Tokyo sa susunod na taon. Bagaman may mga alok sa kanya para maging pro boxer ay sinabi niyang patuloy pa rin siyang mag-eensayo at maghahanda para tangkaing makuha ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games.
“Hanggang ngayon ay patuloy pa po ang aking pagsusuri sa mga alok at mga posibleng maging sitwasyon ko sakali man na pumasok ako sa professional boxing,” aniya.
“Sa lahat ng nag-alok sa akin ng promotional at managerial deals, tinitiyak ko po na hinding-hindi po kayo naging ‘distraction’ sa paghahanda ko. Sa katunayan, isa kayo sa mga dahilan para mas maging pursigido ako na manalo sa Olympic qualifier.”
Ipinangako ng PSC ang 100% suporta nito hindi lamang kay Marcial kundi maging sa iba pang Pinoy na nagkuwalipika sa 2020 Tokyo Olympics.
“We will continue supporting him in his quest for the Olympic gold,” sabi naman ni PSC commissioner Charles Maxey.
Sa kasaysayan ng Pilipinas na Olympiada ay hindi pa ito nananalo ng gintong medalya.
“Salamat sa tiwala ninyo na may potensyal ako hindi lang maging Olympic gold medalist kungdi maging isang professional boxing world champion,” dagdag pa ni Marcial.
“Isa lang ang tinitiyak ko sa lahat, na ako ay lalaban sa Olympics at ibubuhos ang hanggang huling patak ng aking dugo at pawis makuha lang natin ang inaasam na Olympic gold.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.