Accountability para bumilis ang serbisyo ng gobyerno inihirit
NAIS ni House Speaker Alan Peter Cayetano na magkaroon ng pananagutan ang mga tauhan ng gobyerno na mabibigo na magbigay ng mabilis na serbisyo sa publiko lalo ngayong marami ang nahihirapan dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019.
Inatasan ni Cayetano ang House committee on Good Government and Public Accountability at ang Defeat COVID-19 Adhoc Committee upang talakayin kung papaano mapapabilis na maramdaman ng publiko ang serbisyo ng gobyerno.
“We can continue to discuss how to hold people accountable not for the sake of being accountable, but to give people better services,” ani Cayetano.
Noong Marso ay inaprubahan ng Kongreso ang social amelioration program para matulungan ang mga naapektuhan ng COVID-19. Ang pamimigay ng unang tranche ng SAP para sa buwan ng Abril ay natapos kamakailan lamang at ang ikalawang tranche ay hindi pa nag-uumpisa.
Ilang kongresista ang naghain ng resolusyon sa Kamara de Representantes upang maimbestigahan ang pamimigay ng SAP.
Sa kanyang speech bago ang sine die adjournment noong Biyernes, ipinaalala ni Cayetano sa mga opisyal ng gobyerno ang panuntunan sa paglilingkod ni Pangulong Duterte.
“Simple lang po sinasabi niya: ‘wag paiintayin ang tao, ibigay ang tamang serbisyo. Ganun din naman po ngayon. Nung naging Presidente siya at wala pang COVID, ‘di ba, sabi niya, ‘wag pong tatagal ang papeles sa mesa ng public official. Walang corruption dapat,” ani Cayetano.
“Going into Bayanihan II, we commit to the Filipino people and to the President, we will be supportive, but we will follow the President’s lead, we will demand accountability. So, we will be asking the departments, we will be talking to them, we will be having an accounting,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Nakabinbin sa ikalawang pagbasa ang Bayanihan to Recover as One (Bayanihan II).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.