Angelica sa pagkawala ng Banana Sundae: Napakasakit na makitang durog na durog tayong lahat
“MASAKIT kasi, magwawatak-watak na tayo.” Yan ang bahagi ng emosyonal na pamamaalam ni Angelica Panganiban sa mga kasamahan niya sa gag show na Banana Sundae.
Ayon kay Angelica, hindi biro ang 12 taon nilang pagsasama sa nasabing programa kaya parang pamilya na talaga ang turingan nila sa isa’t isa.
Nakasama ng aktres sa gag show ng ABS-CBN sina John Prats, Zanjoe Marudo, Pokwang, JC de Vera, Jayson Gainza, John Pooh, Ritz Azul at Sunshine Garcia.
Isang mahabang “farewell speech” ang ipinost ng Kapamilya actress sa Instagram kung saan ramdam na ramdam ng kanyang followers ang sakit at lungkot na napi-feel niya ngayon.
“Halos labing dalawang taon tayo nagpapatawa at nagpapasaya ng mga tao. Sa pinaka unang pagkakataon, kanina, umiiyak tayong lahat.
“Masyadong masakit na makitang durog na durog tayong lahat. Sa ganitong panahon, ito ang pinaka huli nating pwedeng maramdaman. Ang mawalan tayo ng tahanan,” simulang pahayag ng aktres sa kanyang caption.
Patuloy niya, “Masakit. Kasi, intensyon lang natin magpasaya, makatulong. Masakit, kasi, marami sa atin ang hindi na alam kung paano itutuloy ang buhay. Masakit kasi, magwawatak watak na tayo.
“Sa mga salita na ibinabato niyo sa amin para tuluyan kaming tapak tapakan, walang sinabi yun sa sakit na nararamdaman naming lahat ngayon.
“Pare parehas naming hindi alam ngayon kung paano pa kami lalaban. kung saan pa kami kukuha ng lakas. Gusto naming isipin na pansamantala lang ‘to. Magkikita kita ulit tayo,” lahad pa ng dalaga.
Sabi pa niya, “Gusto naming lumaban para sa mga kasamahan namin sa trabaho. Gusto namin ipaglaban ang pamilya namin. Gusto na namin ng katahimikan sa mga tanong namin.”
Pero sa kabila ng lahat, nanindigan pa rin ang aktres, “Kahit ganito, lalaban kami. Magtutulungan kami. Kapag nakabalik kami, sigurado akong mas malakas kami. Palagi namin tinatanong sa simula ng show ang ‘okay ba kayo jaaaan’…
“Ngayon naman, kami ang hindi ‘okay’. Kaya naman… Hanggang sa muli na lang muna tayo mga kabanana. Salamat sa halos labing dalawang taon. Mahal na mahal ko kayo.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.