Ano-ano ang nakakatakot sa kinatatakutang anti-terror bill
NAGING usap-usapan sa social media ang Senate Bill No. 1083 (Anti- Terrorism Bill) o mas kakilala sa tawag na Anti-Terrorism Act of 2020 na ngayon ay nakabinbin sa Kamara (House of Representatives).
Noong isang linggo, inaprubahan at pinagtibay (adopted) ng pinagsamang committee ng Kamara ang Anti-Terrorism Bill, na nauna nang ipinasa at inaprubahan ng Senado noong February 2020.
Sinertipikahan naman ng Pangulo bilang URGENT BILL nitong Lunes ang nasabing bill at dahil dito pwede nang ipasa ng Kamara ang Anti- Terrorism Bill sa loob ng isang araw. Kaya tiyak na maipapasa ito, kung gugustuhin ng Kongreso, bago ito mag adjourn sa June 5,2020.
Ang Anti-Terrorism Bill ay may layuning baguhin (repeal) ang Human Security Act of 2007 (RA No. 9372) para palakasin ang paglaban sa terorismo.
Ang Human Security Act of 2007 na naging batas noong March 6, 2007 ay maituturing kauna-unahang anti-terrorism law sa bansa. Isinabatas ito ng Kongreso upang labanan ang lumalalang terorismo ng mga panahon na yon, gaya ng mga aktibidad ng Abu Sayyaf Group at iba pang nga international terrorist groups.
Karamihan na nakalagay at pinagbabawal sa Anti-Terrorism Bill ay makikita at pinagbabawal din sa Human Security Act of 2007. Pinalawak nga lang ito para mas matugunan ang paglaban sa terorismo.
Alin sa mga ito ay ang mga sumusunod:
• Ang pagkulong sa taong inaresto ng walang warrant of arrest na inisyu ng korte dahil ito ay suspect sa isang act of terrorism. Pinahaba ito ng 14 na araw, extendable ng 10 araw, na dati ay pwede lamang ng hindi hihigit sa tatlong araw;
• Pinahaba rin ang police surveillance hanggang 60 araw extendable hanggang 30 araw sa mga taong pinag-sususpetsahang gumagawa ng act of terrorism, na dati ay 30 araw lang.
Ang pinaka-kontrobersyal sa Anti-Terrorism Bill na maaring may paglabag sa Constitution at pinangangambahan ng marami na ito ay maaaring magamit sa mga kritiko ng gobyerno ay ang Section 8 ng Anti-Terrorism Bill.
Ang Section 8 ng Anti-Terrorism Bill na tinaguriang “Inciting to Commit Terrorist Acts” ay wala at hindi makikita sa Human Security Act of 2007.
Ito ay bago at halos katulad ng Inciting to Sedition na pinagbabawal ng Section 142 ng Revised Penal Code.
Ang kaibahan lang ng dalawa ay kung ano ang inuudyok (incite). Ang isa ay naguudyok ng terorismo at yung isa naman ay panggugulo (sedition).
Ayon sa Section 8 ng Anti-Terrorism Bill, parurusahan ng anim na taon at isang araw hanggang 10 taon ang sino mang tao na magpamahagi o gumawa ng mensahe na maaaring makakarating sa publiko na may balak mag-udyok gumawa ng terorismo sa ano man pamamaraan.
Maaaring kasama rito ang lahat ng uri o paraan ng mensahe o pagpapahayag na pwedeng makarating at mababasa ng publiko gaya ng pananalita, kasulatan, radio o tv broadcast. Kasama rin dito ang pagpapahayag at pagsulat sa social media gaya ng Facebook, blog, Twitter at anu-ano pang uri ng social media platform o ginagamitan ng electronic device.
Maaaring may paglabag ang probisyong ito ng Anti-Terrorism Bill sa freedom of expression na ginagarantiyahan ng Constitution. Ito kasi ay maaaring magbigay at magdulot ng takot (chilling effect) sa mga taong gustong ipahayag, sa ano mang pamamaraan ang damdamin o saloobin nila tungkol sa mga polisiya (policy) at gawain ng gobyerno.
Ang pagpapahayag ng mga ganitong sentimyento ay sakop ng freedom of expression and speech. Pero dapat din kilalanin ang karapatan ng gobyerno na ipagtanggol at protektahan ang mamayanan at estado sa mga banta ng terorismo. Tanging korte lamang ang pwedeng mag resolba sa ganitong issue.
Kapansin-pansin din sa Anti-Terrorism Bill ang pag-alis sa third paragraph ng Section 41 ng Human Security Act of 2007. Dito sa nasabing provision na ito, ginagarintiyahan na makakatanggap o mabibigyan ng P500,000 kada araw bilang danyos (damage) ang sino mang taong pinawalang sala ng korte na kinasuhan ng paglabag ng Human Security Act of 2007.
Ang P 500,000 kada araw na ibabayad sa taong pinawalang sala ng korte ay kukunin o manggagaling sa pondo na nilaan (appropriated) para sa Philippine National Police.
Mas maganda sana kung ang provision na ito ay panatiliin o kung maaari ay taasan pa. Ito ay epektibo bilang pagpigil/pagsugpo (deterrence) sa maaaring pag-abuso sa batas sa hanay ng kapulisan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.