Anti-terrorism bill sinertipikahan ni Duterte bilang urgent
SINERTIPIKAHAN ni Pangulong Duterte bilang urgent ang anti-terrorism bill na inihain sa Kongreso sa harap naman ng pagbatikos ng ilang grupo sa mga probisyon nito.
Sa isang virtual briefing sa Malacanang, kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nais ni Duterte na maipasa ang panukalang batas bago magtapos ang sesyon ng Kongreso sa Hunyo 5.
“Yeah, itong panukalang batas na ito ay na-certify na… it is certified urgent bill para matapos ito bago mag-recess iyong Congress ngayong June 5,” sabi ni Lorenzana.
Sinagot din ni Lorenzana ang mga kumukontra sa panukalang batas.
“Ang comment ko lang doon sa mga nag-o-oppose dito ay wala namang basehan iyong kanilang mga opposition dahil binasa ko iyong panukalang batas – nandito sa akin ngayon – iyon namang karapatan ng mga tao ay may sapat na provisions. At saka iyong mga law enforcement agencies ay may sapat ding kaparusahan sa mga nag-aabuso. So dapat walang ipangamba ang ating mga kababayan,”dagdag ni Lorenzana.
Ayon naman kay Interior Secretary Eduardo Año, dapat ay patuloy na paghandaan ang banta ng terorismo sa bansa.
“Matagal na pong hinihiling na maipasa ito sapagka’t ito po ay talagang threat na nangyayari hindi lamang sa ating bansa [kung hindi] sa buong mundo. At itong mga teroristang ito ay nagpaplano din iyan kahit tayo ay naka-quarantine at nandito tayo sa problema ng COVID,” sabi ni Año.
Idinagdag ni Año na pinag-aralan nang husto ang panukala para matiyak na walang pang-aabusong mangyari.,
“At kung mari-recall natin ano, may mga ibang insidente na gumamit pa ng sarin gas para ipatupad iyong kanilang terorismo. Eh kailangang makapaghanda tayo. Very timely na po ito para po kung bumalik na tayo sa bagong normal, nakahanda na rin po ang ating mga batas sa pagpapatupad at hindi na po tayo magkaroon ng problema sa terorismo,” ayon pa kay Año.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.