Balik-laro na ang football sa Ukraine; Players ng isang team nagpositibo sa COVID
Hindi pa man nag-iinit ang pagbabalik-aksyon ng Ukrainian Premier League ay nagdesisyon agad ang liga na ipagpaliban sa isa sa mga laro nito.
Ang sagupaan sa pagitan ng Karpaty Lviv at Mariupol na nakatakda sanang laruin sa siyudad ng Lviv sa Linggo ay hindi matutuloy dahil ilan sa mga manlalaro ng Karpaty ay nagpositibo sa COVID-19.
Hindi naman sinabi kung ilan ang nahawaan ng coronavirus bagaman siniguro ng liga na naka-isolate na ang mga ito.
Ang top division league ng Ukraine ay may nalalabi pang siyam na round ng laro sa kasalukuyang season.
Tuloy naman ang iba pang mga laban ng liga pero walang fans na pinahihintulutang manood sa stadium. Obligado din ang mga manlalaro at coaches na sumailalim sa COVID test bago mag-umpisa ang bawat laro.
Ang Ukraine ay nakapagrehistro na ng mahigit 23,200 coronavirus cases at 696 na rito ang namatay. –AFP
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.