Duterte sa OWWA, DOLE at DOH: Pauwiin sa loob ng 1 linggo ang 24K stranded OFWs
BINIGYAN ni Pangulong Duterte ng isang linggong palugit ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Health (DOH) para mapauwi sa kani-kanilang lalawigan ang 24,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na stranded sa mga hotel at barko na nakalutang sa Manila Bay.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na base sa naging direktiba ni Duterte ala-1:30 ng umaga ngayong Lunes, inatasan niya ang mga kaukulang ahensiya na gamitin ang lahat ng resources ng gobyerno at lahat ng pamamaraan ng transportasyon, gaya ng mga bus, eroplano, at barko para mapauwi ang mga OFWs.
“Bilang tugon sa napakaraming reklamong natanggap at na-monitor po ng Presidente galing po sa mga OFWs, na hindi makauwi sa probinsya dahil naghihintay pa ng kanilang PCR COVID-19 results sa mga iba’t ibang mga hotel at sa mga barko na lumulutang sa Manila bay, inutusan po ngayon ng ating Presidente ang DOLE, OWWA, at ang DOH, na mayroon lamang silang isang linggo para masiguro na lahat po ng 24,000 na mga OFWS, ating mga kapatid na mga Pilipino na naghihintay ng mga resulta ay mapauwi na sa kani-kanilang mga probinsya,” dagdag ni Roque.
Idinagdag ni Roque na nais ni Duterte na palakasin ang PCR testing sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas para makauwi na ng diretso ang OFWs at doon na lamang sumailalim sa coronavirus disease (COVI-19) test.
“Hindi katanggap-tanggap sa ating Presidente na matapos maglingkod para sa ating bayan bilang mga OFWs, na napahiwalay sa kanilang mga pamilya, nalungkot, at nahirapan sa ibang bayan, eh ngayon, lalo pang mahihirapan habang naghihintay ng kanilang mga COVID-19 results,” ayon pa kay Roque.
Sinabi ni Roque na bagamat sang-ayon si Duterte na kinakailangang sumailalim sa COVID test ang mga OFWs, dapat ay matiyak ang mabilis na proseso.
“So, inaasahan po natin na magkakaroon naman po ng implementasyon ang ating mga ahensya ng gobyerno at itong linggong ito ay inaasahan nga ng Presidente na wala na doon sa 24,000 na mga OFWs, naghihintay ng COVID-19 results na mananatili dito sa Manila,” sabi pa ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.