SA gitna ng reklamo ng mga overseas Filipino workers na nagtatagal sa mga quarantine facilities, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nangako ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Diseases na pabibilisin ang paglabas ng resulta ng coronavirus disease 2019 test sa mga ito.
Sinabi ni Bello na nagsabi ang IATF na lalabas na ang resulta sa loob ng limang araw matapos ang 14-day quarantine.
“The IATF committed that from henceforth, ay lilimitahin na nila ‘yung timeframe nang sa ganun, after ng 14-day quarantine, in about five days, makakalabas na ‘yung ating mga OFW,” ani Bello.
Maraming OFW na tumatagal ng lagpas sa 14 na araw at merong umaabot na ng buwan sa mga quarantine facilities dahil sa delay sa paglabas ng COVID-19 result.
Ilang OFW na tumakas sa quarantine facility ang nagpositibo sa nakamamatay na sakit.
Sa ilalim ng health protocol hindi maaari umuwi kaagad ang mga OFW mula sa mga bansa na mataas ang kaso ng COVID sa kanilang bahay. Dinadala ang mga ito sa quarantine facility ng Overseas Workers Welfare Administration.
Nasa 30,000 OFW na ang na-repatriate ng Department of Foreign Affairs mula noong Pebrero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.