Walang public bidding sa COVID-19 crisis, dehado ang taong bayan
DINIDINIG ngayon ng Senado ang diumano’y overpricing sa pagbili ng Department of Health ng mga Personal Protective Equipment (PPEs) at iba pang mga kagamitan o makina gagagamitin sa paglaban sa Covid-19.
Nabanggit din sa pagdinig ng Senado, na diumano’y overpriced daw ng higit P8 bilyon ang ibabayad ng isang ahensya ng pamahalaan sa mga private entities na magsasagawa ng mga test sa mga tao upang matukoy kung ito ay may coronavirus o wala.
Marami tuloy ang nagtatanong kung ang mga pagbili ba ng mga personal protection equipment gaya ng face mask, pati mga gamot, equipment at machinery at iba pa, na direktang gagamitin upang labanan at puksain ang COVID-19 crisis ay dumadaan pa ba sa public bidding?
Ang RA No. 9184 o mas kakilala sa tawag na Government Procurement Reform Act ay naisabatas noong January 26, 2003.
Ang batas na ito ang gumagabay at sinusunod ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama na ang mga local government units (LGU) at government owned and controlled corporations (GOCCs), sa mga pagkuha (procurement) at pagbili ng mga kalakal (goods and services), mga proyektong pang-imprastraktura (infrastructural services) at mga serbisyo sa pagkonsulta (consulting services).
Ang pagkuha at pagbili ng mga ito ay dapat dumaan sa isang mapagkumpetensya (competitive) at malinaw (transparent) na public bidding.
Halimbawa, bibili ng laptop at kukuha ng mga security guards ang isang ahensya ng gobyerno. Hindi maaaring basta na lang bumili ito ng laptop at mag hire ng mga security guards dahil ayon sa RA No. 9184, ito ay isang pagkuha o pagbili ng kalakal (goods) at serbisyo na dapat dumaan sa isang competitive public bidding.
Sa madaling salita, lahat ng bibilhin ng gobyerno, kasama na ang pagkuha ng serbisyo, ay dapat dumaan sa isang public bidding.
Kung ayon sa RA No. 9184 ay dapat magkaroon ng isang public bidding, bakit ang mga pagbili ng mga nasabing personal protective equipment at iba pa ay tila hindi dumaan sa isang public bidding?
Noong March 25, 2020, naging epektibo ang RA No. 11469 o yung mas kakilala sa tawag na Bayanihan Law. Ang batas na ito ay ginawa at ipinasa ng Kongreso para mabigyan ng sapat na kapangyarihan ang pangulo, sa panahon ng state of national emergency, para mabilis na harapin, labanan at puksain ang COVID-19 crisis.
Ayon sa Section 4 (1) ng Bayanihan Law, exempted sa RA No. 9184 ang pagkuha at pagbili ng mga ilang bagay o serbisyo. Kasama rito ang pagbili ng mga personal protective equipment (PPEs), face mask, automated coronavirus testing machine at pag test o pagsuri sa tao ng coronavirus.
Dahil exempted ito sa RA No. 9184, hindi na kailangan dumaan ang mga pagbili nito sa isang public bidding.
Minabuti ng Kongreso na huwag masakop ng RA No. 9184 o dumaan sa public bidding ang mga ganitong transactions o pagbili. Ito ay para mapabilis ang pagbili ng mga ito na hindi maaaring mangyari kung ito ay sakop pa rin ng RA No. 9184.
Maganda ang hangarin ng batas pero maaring madehado ang gobyerno. Dahil walang public bidding, walang sapat na alituntunin at proseso na susundin na siyang gagabay upang matiyak na hindi malulugi ang gobyerno sa pagbili ng mga ito. Bukod dito, may posibleng magkaroon din ng corruption.
Ang Bayanihan Law ay epektibo lamang hanggang June 25, 2020. Ito ay maaaring isabatas (o palawagin) ulit ng Kongreso at kung sakaling mangyari ito, sana mapag-aralan mabuti ng ating mga senador at kongresista kung dapat nga bang walang public bidding sa panahon ng COVID-19.
Ginawa ang RA No. 9184 at tinakda ang public bidding para maproteksyonan ang gobyerno.
Maaaring maiwasan ang overpricing at corruption sa pagbili ng mga ganitong bagay na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso kung ang mga ito ay dadaan sa public bidding.
Walang public bidding, walang proteksyon ang gobyerno.
Walang public bidding, dehado ang taong bayan.
***
Para sa reaksyon, maaaring mag-email sa [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.