Pagbibigay ng temporary franchise ng Kamara hindi na bago
NAKAPAGBIGAY na ng temporary franchise ang Kamara de Representantes noon habang dinidinig ang prangkisa ng isang broadcasting company.
Sa sesyon ng plenaryo ngayong araw, sinabi ni House Deputy Speaker LRay Villafuerte na hindi na bago ang gagawing pagbibigay ng Kamara de Representantes ng pansamantalang prangkisa sa ABS-CBN.
“Yung Bolinao Electronics Corp., was granted a temporary permit to operate June 14, 1950 na wala ngang time period that time may condition lang that it will be given a permanent one if they meet following condition so it is the prerogative of Congress kung ano po ang time frame as long as we follow the constitutional requirement Congress has the prerogative,” ani Villafuerte.
Ang Bolinao Electronics Corp., ang predecessor ng Alto Broadcasting na kalaunan ay naging ABS-CBN.
Naghain si Speaker Alan Peter Cayetano ng panukala upang bigyan ng provisional franchise ang ABS-CBN na tatagal ng limang buwan.
Sa loob ng limang buwan ay magsasagawa ng pagdinig ng Kongreso upang malaman kung dapat bigyan ng panibagong 25-taong legislative franchise ang ABS-CBN 2.
Iginiit ni Cayetano na dapat marinig ang mga alegasyon laban sa ABS-CBN at dapat masagot ang mga ito para makapagdesisyon ang Kamara.
Ilan sa mga alegasyon laban sa ABS-CBN ang kuwestyunableng pagsibak nito sa kanilang mga empleyado at ang pagiging American citizen umano ni Gabby Lopez, ang may-ari ng ABS-CBN, sa kabila ng probisyon sa Konstitusyon na ang media ay dapat pagmamay-ari lamang ng isang Filipino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.