Vice ayaw magmura’t makipag-away: May kanya-kanya tayong pamamaraan ng paglaban…
SA halip na murahin at awayin ang mga taong nasa likod ng pagpapasara ng ABS-CBN, mas piniling maging mahinahon ng Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda.
Muling ibinandera ng TV host-comedian ang pagsuporta sa kanyang mother network sa pamamagitan ng sunud-sunod na mensahe sa Twitter.
Pero kung nitong mga nakaraang araw ay medyo maanghang at palaban pa ang mga mensahe ni Vice, mas kalmado ang pagbibitiw ng mga salita ng komedyante.
Simulang pahayag ni Vice, “Magulo ang paligid. Maiinit ang panahon lalo’t nasira ang aircon. Pero andami kong natanggap na pagmamahal sa araw na ito.
“Dinama at ninamnam ko lahat. Di ko na napansin ang gulo at init. At bukas magbibigay din ako ng madaming pagmamahal para maranasan din nila ang ginhawa,” aniya pa.
Binalikan din niya ang naging simula ng kanyang career sa ABS-CBN, “Ang saya ng mga pinagsamahan natin. Ang sarap balikan. Ang saklap din na maging bahagi na lang siya ng nakaraan.
“Kaya’t ating ipinagdadasal na maituwid ang mga pagkakamali ng sa ganun ay wag maputol ang saya at serbisyo na kailangan natin upang makaraos sa mga ganitong panahon.
“May kanya-kanya tayong pamamaraan ng paglaban. May iba dinadaan sa galit o away.
“May iba dinadaan sa payapang paraan. May iba dinadaan sa pagbibigay ng tamang impormasyon, etc.
“But pls don’t underestimate the power of prayers. Underestimating prayers is underestimating God.
“At tama ka naman na dapat ilaban ang dapat ilaban. Pero tulad ng sinabi ko may iba’t iba tayong pamamaraan bilang magkakaiba tayo ng pagkatao.
“Gayunpaman ang mahalaga lumalaban tayo sa tamang paraan. (P.S. di tayo magkaaway ha),” sabi pa ng TV host-comedian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.