Pokwang sa mga kumikitang bashers: Please, gutumin natin ang mga trolls!
BUKOD kina Coco Martin, Kim Chiu, Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo isa pa sa mga palabang Kapamilya star na nagtatanggol sa ABS-CBN ay si Pokwang.
Alam ng komedyana na parami nang parami ang mga bashers at trolls online na talagang ang target lang ay siraan ang ABS-CBN at mambastos ng Kapamilya stars.
Kung marami ang kumakampi sa Dos matapos ang pagpapasara rito sa utos ng National Telecommunications Commission, may mga nagpiyesta at nagbunyi rin sa kaganapang ito.
Ayon kay Pokwang, kailangang labanan na nila nang sabayan ang mga haters, bashers at trolls na aniya’y pinagkakakitaan na ang paninira at panglalait sa kapwa.
At dahil inaasahan na nga niya ang
mas marami pang online attacks dahil sa pagtatanggol nila sa ABS-CBN, may naisip na paraan si Pokey para asarin ang mga trolls at hindi sila pagkakitaan sa pamamagitan ng social media.
“Sa aming mga legit na followers sa Instagram or Twitter, please gutumin natin ang mga trolls.
“‘Wag kayong mag-re reply or silipin ang account nila dahil kada reply at silip niyo ay kumikita sila mga letse na ‘yan!
“Again, ‘wag sasagot at ‘wag silipin ang account ng mga trolls. Deadma!” pahayag ng komedyana.
Hirit pa nito, “Or mas bongga kung i-block or report ang mga trolls.”
Samantala, sa kabila ng mga pangyayari, hindi pa rin tumitigil ang pamilya ni Pokwang sa pagbibigay ng ayuda sa mga naapektuhan ng lockdown.
Nag-post ang komedyana sa IG ng isang video kung saan makikita ang muli nilang pagbibigay ng ayuda.
“Tuloy ang paghatid ng tulong para sa mga kababayan ko sa antipolo na di ko akalain na mararating ninyo Father Bien salamat po.
“Grabe sa 40 yrs ko sa Antipolo at napaka laboy ko noong bata pa ako lahat na yata ng ilog at bundok dito na akyat na namin para manguha ng santol at mangga, pero ibang klase meron pa palang ganitong lugar na tawid ilog???
“Bakit di ko naabot ito? thank you again @andrewsfundph sa pakikiisa nyo po para maihatid sa kanila ang konting nakayanan. #labankapamilya,” caption ni Pokey.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.