MULING pinalawig ng Department of the Interior and Local Government ang deadline sa pamimigay ng paunang ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program dahil marami pang lokalidad ang di nakakakumpleto dito.
Nakatakda sanang mapaso ang palugit ngayong araw, matapos ang unang extension, pero muling pinalawig hanggang Mayo 10.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, humiling ang League of Cities of the Philippines, League of Municipalities of the Philippines, at Metro Manila Development Authority ng tatlo pang araw para makumpleto ang pamimigay ng perang ayuda.
Tinanggap aniya ng DILG ang hiling, matapos makumpirma na hirap ng local government units sa pamimigay ng ayuda sa mga lugar na may “high density population.”
Kabilang sa mga lugar na ito ang Metro Manila, Cavite, Rizal, Laguna, Bulacan, Cebu, at Davao City.
“We have received reports from our field offices na kahit na 24/7 ang pamimigay ng ayuda ay mahihirapan talagang ma-meet ng LGUs ang May 7 deadline lalo na ‘yung mga nasa Metro Manila,” ani Año.
Sa tala ng DILG, nasa 985 LGUs pa lang ang nakakakumpleto sa pamimigay ng SAP.
Hanggang kagabi, 77.68 porsiyento pa lang sa 18 milyon pamilyang nakatakdang bigyan ang nakatanggap na sa ayuda.
Pinakamataas ang payout rate na 99.88 porsiyento sa Caraga region, sinundan ng 99.51 porsiyento sa Bicol, at 89.26 porsiyento sa Cordillera.
Pinakamababa naman ang 62.58 posiyento sa Central Visayas, 62.51 porsiyento sa Metro Manila, at 57.87 sa Davao region.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.