Sa paglipat ng status mula Enhanced Community Quarantine o ECQ patungong General Community Quarantine o GCQ, nakikita na natin ang malaking pagbabago sa nakagawian nating pagsakay ng pampublikong transportasyon.
Base sa inilabas ng Department of Transportation (DOTr) na guidelines sa pagsakay sa mga bus, jeep, taxi at tricycle, nakikita natin ang pagbabawas ng pasahero at ang paghaba o pagtagal ng paghihintay para makasakay.
Dahil sa social distancing, magkakaroon ng maraming bakanteng upuan sa loob ng mga public transportation upang hindi magdikit-dikit ang mga pasahero.
Nais na rin ng DOTr na lagyan ng schedule ang pagpasada ng mga bus upang makontrol nila ang takbo ng public transport sa lansangan.
Ibig sabihin ay magkakaroon ng takdang bus at PUV stops sa mga ruta na identified ng LTFRB at may oras ang dating ng sasakyan dito.
Mapipilitan ngayon ang mga commuters natin na lumakad nang mas maaga para abangan ang scheduled bus nila at kung puno na ay may oras pa silang maghintay nang susunod na sasakyan.
Hindi na bago ang pumila at maghintay sa mga commuters natin. Noong araw pa ay ang tindi na ng hintayan nila sa MRT, LRT, bus at jeepney stops.
Pero sana, sa inilatag na plano ng DOTr para sa commuters natin base sa bagong normal na social distancing, isipin din nila ang pagtatayo ng mas komportableng waiting areas o bus stops para sa ating mga kababayan.
Dahil ang kasalukuyang infrastructure ay hindi social distancing friendly. Sa totoo lang wala ngang sidewalk na maituturing sa mga takdang sakayan kaya sa kalye naghihintay ang mga commuters.
Tutal tumatakbo naman ang public works, may pondo sila at kokonti pa ang laman ng kalye.
Mas mabuti nang simulan ang pagplano at paggawa ng structures na aayuda sa bagong sistema ng public transport na iniisip ng DOTr.
Dahil kung yung mga sasakyan lang ang babaguhin ang sistema pero yung sakayan at tao ay ganun pa din, siguradong gulo ang aabutan natin paglipat natin sa GCQ.
***
Para sa komentaryo o suhestiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected].
Follow us on Facebook @Inquirer Bandera
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.