Angel para sa Eleksiyon 2022: Takbo! Darna! Takbo!
“TAKBO, Darna! Takbo!”
Yan ang sigaw ng ilang tagasuporta ni Angel Locsin para sa susunod na eleksiyon.
Dahil sa aktibong pagsasagawa ng relief mission ng Kapamilya actress ngayong panahon ng health crisis, marami ang nagsasabi na pwedeng-pwede na siyang sumabak sa politika.
May ilang netizens din ang nagsabi na baka raw kaya todo ang pagtulong ng dalaga sa mga apektado ng krisis ay dahil may plano na talaga siyang pasukin ang public service sa 2022 elections.
Diretsong sinagot ni Angel ang isyung ito nang umapir siya sa live Facebook launch ng “Regal Movies At Home” kasama ang dati niyang ka-loveteam na si Richard Gutierrez.
Muling nagsama ang dalawa para sa isang live chat bago ipalabas nang libre sa FB page ng Regal Entertainment ang 2006 blockbuster movie nilang “I Will Always Love You.”
“Public servant naman po kami bilang mga artista, e. I think ‘yung buhay naman namin is very public.
“Lahat naman ‘to ginagawa namin, hindi lang para sa sarili namin, kung ‘di gusto namin magbigay ng entertainment sa mga tao,” pahayag ni Angel.
“Pero, politics? Hindi talaga. Sobrang hindi. Wala sa utak ko ‘yun,” aniya pa.
In fairness, mula nang ipatupad ang lockdown sa bansa tuluy-tuloy ang pagbibigay ng ayuda ni Angel kasama ang future husband niyang si Neil Arce at ilang malalapit na kaibigan.
Sabi nga ni Richard, isa ring bayaning frontliner si Angel dahil sa dami ng nagawa niya ngayong panahon ng krisis.
“Si Angel talaga, she’s a true leader. She’s a good example, ang dami niyang nai-inspire,” papuri ni Chard sa dating ka-loveteam.
Ibinuking naman ni Angel si Richard na pa-humble lang dahil marami na rin itong nabigyan ng donasyon ngayong may health crisis.
“Kilala kita Chard. Sa bahay nila maraming boxes diyan, namimigay din sila ng relief packs. Pa-humble lang po yang si Chard.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.