Maja, Rambo sa Palawan naka-lockdown; enjoy sa buhay promdi, pero…
SA Puerto Princesa, Palawan pala inabutan ng lockdown si Maja Salvador kasama ang boyfriend na si Rambo Nuñez
Napakasimple raw ng buhay nila ngayon sa probinsiya pero aminado siya na may mga pagkakataon na bigla na lang siyang natutulala at maiisip kung ano na ang mangyayari kinabukasan.
Ngunit ayon sa Kapamilya actress, nananatili pa rin siyang positibo sa gitna ng COVID-19 pandemic at naniniwala siya na magiging maayos din ang lahat.
Kasama nila sa Puerto Princesa ang pamilya ng kapatid ni Rambo, “Nasanay na kami na 9 p.m. tulog na, tapos magigising ng 5:30 or 6 a.m. ang latest ay 7 a.m.Maaga talaga, tapos magwo-walk na kami ng 10,000 steps. Saka favorite ko ang morning ngayon, dahil magigising ka pa na ‘ay may bagong umaga pa kami.'”
“Ang pinaka-bonding namin kunwari may magluluto, ano ang food natin for lunch. Ganu’n ‘yung bonding namin,” sey pa ng dalaga.
Isa sa mga realization niya ngayong may enhanced community quarantine ay ang quality time kasama ang mga mahal mo sa buhay.
“Minsan kaysa matakot ka dapat isipin mo ‘yung nangyayari baka may lesson na ibinibigay si God. Na baka masyado tayong workaholic or ang dami nating gusto na hindi mo nakikita kung ano ba ‘yung gusto ng mga mahal mo sa buhay and time naman talaga ‘yon, di ba?
“So, sobrang nati-treasure ko ‘yung mga nangyayari ngayon. Kahit paulit-ulit ‘yung routine namin, the more mas nakakapag-bond kami, mas lumalalim ‘yung relationship naming lahat,” pahayag pa ni Maja.
Ano naman ang naglalaro sa isip niya ngayong bawal pa rin ang lumabas at magtrabaho kabilang na silang mga artista?
“Actually mahirap talaga sa atin lahat, sa ABS-CBN, sa industriya natin, sa ekonomiya natin. Nu’ng ako ay biglang na-stop, walang trabaho, may times na nakatulala ka tapos iisipin mo ano ang mangyayari sa future?
“Ano ang mangyayari sa trabaho, paano magiging normal ulit ang lahat? ‘Yun nga lagi ko namang pinipili na mas maging positive. ‘Yun ang kailangan natin everyday paggising mo dasal, tapos maging positive ka sa mga mangyayari sa future, sa bawat araw na darating,” aniya pa.
Kahit wala sa Metro Manila, nakapagbigay na rin sina Maja ng donasyon para sa mga naapektuhan ng lockdown, kabilang na ang mga bayaning frontliners.
“Wala man kami sa Maynila para magbigay ng relief goods, ng tulong, parang si Rambo nakaisip siya ng drive tapos ‘yung makakapag-entertain and yet sino ‘yung gustong mag-donate, tapos ‘yung proceeds noon ay mapupunta sa food ng frontliners, kung saan puwedeng makatulong.
“Ako okay ‘yon, good idea ‘yon for me kasi magagamit ‘yung pagiging artista ko. Sabi ko nga, ano ba ang role ko ngayon? Artista ka Maja mag-entertain ka.
“So, ‘yung #Home But Not Alone, thankful kami sa mga artista na nag-yes. Ako kahit paulit-ulit, hindi ko napi-feel na nagwo-work kasi alam mo na sa isang oras, sa 30 minutes mo ay may mga napasaya ka, may nabigyan ka ng isang positibong araw,” lahad pa ng aktres.
Sa huli, hiningan siya ng mensahe ng programa para sa madlang pipol, “Siyempre sa lahat po ng ating mga Kapamilya. Alam po namin na hindi po madali ang pinagdadaanan nating lahat dahil sa pandemic na ito.
“Pero sana po ay huwag tayong mawalan ng pag-asa at lagi tayong magdasal na sana ay matapos na ito. Always think positive po para ma-boost ‘yung energy natin. Lagi nating iisipin na nandiyan si God at lagi niya tayong bibigyan ng magandang buhay,” pahayag pa ng Kapamilya actress.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.