Na-feel ni Sylvia nang magka-COVID: Walang ganang kumain, walang pang-amoy, back pain
NAKAKAGALAW at naiikot na ng mag-asawang Sylvia Sanchez at Art Atayde ang buo nilang bahay pero hindi pa rin tulad ng dati dahil kailangan pa rin nilang palakasin ang kanilang immune system.
Base sa nakita naming post ng aktres ay pawang mga gulay na may sabaw ang madalas nilang kainin — green leafy vegetables tulad ng malunggay na may mga halong karne o isda ang inihahain sa kanila ng kanilang cook.
Maging ang mga anak nila ay nanibago sa mga nakahain sa kanilang dining table dahil pawang mga healthy food ang mga ito.
Biro nga ng kaibigan naming si Argee Gaspar, “Kasi naman @Jojo Campo Atayde. Wag masyadong magarbo sa food. Lahat ng pampa-sarap, paminsan-minsan, back to basic.
“Mga dahun-dahon, ‘yung mga talahib, makahiya, carabao grass, tamo me kalabaw bang na COVID? Di ba wala? Huwag puro ulam na may mga DE masyadong fatty! Minsan dildil sa asin. Mainam sa COVID ‘yun, o tutong na may kape, ganon! Wag puro yayamanin!”
Noong nasa hospital ang mag-asawa ay pawang gulay na may sabaw din ang ipinakakain sa kanila.
Ang mga anak nilang sina Arjo at Ria ay may mga natutunan ding mga putahe ngayong lockdown.
Natatawang kuwento ni Ibyang, “Si Arjo magluluto ng chicken na may tuna with honey na kung ano- anong sangkap na kasosyalan.”
“Si Ria natutunan na magluto ng ube pandesal na masarap din at kung ano-anong tinapay at cakes. Ang malala si Cherry (kasama sa bahay) pati Indian food natutunan nitong lockdown ang sarap ng curry niya at roti. Apple pie at peach pie,” ani Ibyang.
Ang bunsong anak na si Xavi ay kumakain din daw ng gulay ayon pa sa aktres.
Tinanong namin kung balik na sa pagluluto si Sylvia, “Hindi pa ako makakapagluto hindi pa masyadong malakas, binabawi pa namin pagod namin kay COVID. Immune system pinapalakas pa.”
Payo sa amin ng aktres, “Malalabanan mo COVID kung malakas immune system mo. Matakot ka pag wala ka nang ganang kumain at wala ka nang pang-amoy at back pain, pag ganyan na takbo ka na sa hospital. Mas delikado ang may plema kasi pneumonia ‘yan.
“Tsinelas mo? Pinapasok mo sa bahay mo? Iba ang tsinelas mo sa labas at iba sa loob. Droplets malakas makahawa,” aniya pa.
Nabanggit din niyang magbabawas na rin siya ng load o trabaho, “Babawasan ko na ang trabaho ko after nito.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.