Uhaw na uhaw sa PBA | Bandera

Uhaw na uhaw sa PBA

Dennis Eroa - May 01, 2020 - 03:33 PM

Water the Thirsty Earth with Fog.

Upang mas malinaw ang usapan, ito po ang award winning na pelikula ni Augusto Buenaventura noong 1975 na may pamagat na “Diligin mo ng Hamog ang Uhaw na Lupa”.

Sa unang tingin ay tila isa itong “bomba” movie ngunit ang pelikulang napiling Best Picture sa pagbabalik ng Metro Film Festival sa ikatlong taon ng Batas Militar ay isang action-drama movie na pinangunahan nina Best Actor Joseph Estrada, Gloria Diaz at Paquito Diaz,

Nag-aaral pa ako sa elementarya sa Gurong Gurong (aka Gumaca East Elementary School) nang una kong marinig ang pelikulang ito.

Narinig, sapagkat hindi ko ito napanood sa Longlife o Quezon Theater na sikat na mga sinehan noon sa aking bayan.

Ang Longlife ay Novo na ngayon at ang Quezon Theater ay McDo na ngayon.

Hindi ko naiwasang banggitin ang pelikulang ito, sapagkat puwede ko itong ikumpara sa pagkauhaw ng madlang pipol sa Philippine Basketball Association (PBA) na nananatiling numero unong professional sporting league sa bansa.

Ibig sabihin, kung pelikula lamang ang PBA ay “box office hit” pa rin ito sa puso ng mga Pinoy hanggang ngayon.

Dahil nadiskaril ng matutulis na tinik ng corona virus ang liga ay napilitan ang pamunuan ng PBA na itigil muna pansamantala ang mga laro na naging sanhi ng matinding kalungkutan ng mga miron, mga manlalaro, manedsment, mga opisyal at lahat ng nakapaloob sa liga.

It’s really a disaster, a tragic twist to what could have been another banner season. Think about the millions gone to waste due to the absence of advertising and gate receipts.

Ang tanong: Kelan kaya magbabalik ang pro league upang muling aliwin ang sambayanang uhaw sa aksyon, eksaytment at simpleng aliw?

Sa aming online chat kamakailan, naniniwala si Blackwater team owner Dioceldo Sy na magandang pag-aralan ng PBA ang agad na pagbabalik nito upang sa ganon ay makatulong sa unti-unting paghilom ng malalim na sugat sa katawan at isipan na dala ng COVID-19.

Inihalintulad ni Dioceldo ang mga praktis ng isang PBA team sa shooting ng isang pelikula o palabas sa telebisyon sapagkat kailangan ng mga taong kasali dito ang pagpapakondisyon. Nais niya

na gumawa ng paraan ang liga at humingi ng basbas sa mga kinauukulan (gobyerno) upang matuloy ang mga sagupaan kahit pa gawing “closed-door’’ ang mga laro.
“This will provide the masses some respite to the crisis. PBA provides entertainment and cheer up our people to slowly get back to normalcy and give some hope that we will Heal as One,” sabi ng Chief Executive Officer at pangulo ng Ever Bilena,

Alam ni Dioceldo (aka Siopao Sy) na maraming alituntunin na pinasusunod ang Inter Agency Task Force sa umiiral na quarantine sa NCR at Central Luzon ngunit nagbibigay ng pag-asa o yong sinasabing “Light at the End of the Tunnel” ang pananaw ni DILG Secretary Eduardo Año na nagsabing may posibilidad na payagan ng pamahalaan na magkaroon ng sports activities kung maipapatupad pa rin ang social distancing. Pero paliwanag ni Año, ito ay para lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at hindi doon sa mga naka-enhanced community quarantine (ECQ) pa rin.

Binanggit ni Sec. Año ang tennis, badminton at iba pang mga ehersiyo na puwede nang gawin sa ilalim ng GCQ.

Ang tanong: paano kung closed door ang mga laro ng PBA? Ngunit mas malaking katanungan kung paano ang gagawing social distancing ng mga manlalaro? Ilan lang ito sa dapat pag-aralan ng pro league na pinamumunuan ng mga respetado at matatalinong tao.

Sa aking palagay, hindi masamang pag-aralan ni PBA commissioner Willie Marcial ang mungkahi ni Dioceldo, na bago pumasok sa pro league ay nagpasikat noon sa Philippine Basketball League (PBL) bilang chairman at may ari ng Blu Detergent.

Isa lang naman ang nais ni Dioceldo—pasayahin ang sambayanang isports. Alam naman natin na walang pagsidlan ng tuwa ang mga miron tuwing mapapanood ang kanilang mga paboritong koponan tulad ng Barangay Ginebra, San Miguel Beer, Phoenix, Alaska, Rain or Shine, Northport, Columbian Dyip, NLEX at ang Blackwater ni Dioceldo na handa na sanang humataw sa season na ito.

Don’t deny. The PBA is also some kind of a miracle balm to alleviate our inner pain. After all, everybody needs some form of escape or entertainment such as the PBA.

* * * * *
PAGCOR TO THE RESCUE

Walang dudang sa gitna na malaking pagsubok ay patuloy ang pagbibigay ayuda ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa pamumuno ni Andrea Domingo sa Philippine Sports Commission (PSC) na ang resulta ay ang patuloy na pagtanggap ng mga pambansang atleta ng kanilang tulong pinansyal.

Napakalawak ng epekto ng pandemic sa kita ng Pagcor ngunit hindi ito umaatras sa tungkuling naaayon sa batas. Malaki ang papel na ginampanan ng Pagcor sa tagumpay ng bansa sa nakaraang Southeast Asian Games at sa mga rehabilitasyon ng mga palaruan kabilang na ang Philsports sa Pasig at Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.

Malaki ang pasasalamat ni PSC chairman Butch Ramirez sa tulong ng Pagcor upang patuloy na maisulong ng ahensya ang programan ng pamahalaan.

Ayon sa talaan, may kabuuang P409.01 milyon na ang naibigay ng Pagcor sa PSC mula Enero hanggang Marso 2020.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Dahil sa global health emergency ay nakapagbigay na rin ng P26.5 bilyon ang Pagcor sa pamahalaan mula Marso hanggang Abril upang sagupain ang Covid-19.
Mabuhay ang Pagcor!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending