Sa panunutok ng China sa PH vessel.. DND chief kinastigo ng solons
DISMAYADO ang ilang kongresista kay Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil tila pinaboran nito ang China kesa sa Philippine Navy na tinutukan ng Chinese warship ng radar gun sa West Philippine Sea.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, tila pinangunahan ni Lorenzana ang imbestigasyon nang sabihin nito na walang intensiyon ang China na saktan ang PN at sinusubukan lang umano ng mga ito ang reaksiyon ng Pilipinas.
“Pinangungunahan ni Defense Sec. Lorenzana ang imbestigasyon sa pagtutok ng radar gun ng Chinese ship sa ating Navy sa agarang pagdepensa nito sa intensiyon umano ng Tsina. Para itong manghuhula na pabor sa Beijing gayong mayroon na ngang diplomatic protest na naisampa dahil sa posibleng paglabag na nagawa,” ani Brosas.
“Hindi dapat maging bulag at bingi ang sandatahan ng Pilipinas sa ganitong lantaran na pagyurak sa sovereign rights ng bansa. Masusing imbestigasyon ang kailangan at hindi pagsawalang bahala at panghuhula,” dagdag pa ng kongresista.
Hindi naman naniniwala si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na nanunubok lang ang China.
“Pinaputok man o hindi pa ang radar gun nila, malinaw ang sadya o intension ng China: i-bully pa at takutin ang PN at ang mga maliliit na bansang katulad ng Pilipinas na claimants sa WPS. Noong mga nakaraang panahon, verbal na pananakot lang ang ginawa nila, nitong nakaraan nakatutok na ang mga baril nila,” ani Zarate.
Maging si House minority leader Bievenido Abante ay hindi nagustuhan ang pahayag ni Lorenzana dahil nangyari ang pagtutok ng radar gun sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
“Whether it be walang intension ang China, the fact na ginawa nila is very clear provocation. Are we going to allow China to always provoke us like this incident?” ani Abante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.