Sharon ‘binalikan’ ang Smokey Mountain experience: Never ako nagpakita na nababahuan ako…
MAKALIPAS ang mahigit 30 taon, “binalikan” ni Megastar Sharon Cuneta ang Smokey Mountain sa Tondo kung saan kinunan ang classic movie niyang “Pasan Ko Ang Daigdig.”
Hinding-hindi makakalimutan ni Shawie ang naging experience niya habang nagsu-shooting sa Smokey Mountain landfill noong dekada 80 para sa nasabing drama-musical film.
Ang “Pasan Ko Ang Daigdig” ay tungkol sa isang babaeng nagsumikap para makaahon sa matinding hirap. Namamalimos siya habang pasan sa likod ang kanyang ina. Kasama rin sa movie sina Loretta Marquez, Mark Gil, Tonton Gutierrez at Princess Punzalan.
Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Mega ang isang behind-the-scenes video ng pelikula na idinirek ng award-winning director na si Lino Brocka.
“Shooting PASAN KO ANG DAIGDIG in the real Smokey Mountain Landfill. Missing the late great Director Lino Brocka,” caption ni Sharon sa kanyang post.
Sa isa pa niyang post, ikinuwento ng singer-actress ang kanyang hindi malilimutang karanasan sa shooting ng “Pasan Ko Ang Daigdig.”
“Mahirap. Two weeks kami doon. Ang kubo na rest area, may mga baboy sa ilalim. ‘Di makainom sa baso o kape sa cup kasi mas madaming bangaw sa tao kaya packaged drinks na may straw na lang. ‘Di makakain.
“Minsan may baha hanggang loob ng kubo. Naka-rainboots kami. Biglang may lumulutang na malaking daga sa harap mo, gano’n.
“Tapos papunta sa set, natisod ako… Sabi ko pagtisod ko, ‘Ay kalabaw!’ Aba, ‘di sinasadya—kalabaw na patay nga ang natisuran ko!” simulang pahayag ni Mega.
“May mga patay na aso at pusa na nasagasaan, dami uod. Laro ko, ‘pag nililipat ang camera, lalagyan ko alcohol mga uod tapos sisindihan ko ng posporo! ‘Di talaga mabango doon.
“Sa umpisa, siyempre, halos mahimatay sa amoy, pero never ako nagpakita ng nababahuan ako sa mga nakatira doon dahil hiyang-hiya naman ako. Dalaw lang ako doon, sila doon napilitan tumira. Nakikikwento pa ako sa kanila. Hanggang sa nasanay na ako.
“Bago umuwi, nakikiligo ako sa isang bahay mga 10-15 minutes away na sa awa ng Diyos, Sharonian na pamilyang kababait!
“Ino-offer nila sakin banyo ng Masters pero pinilit ko sa banyo sa baba. Hiya pa ako sa mga kasambahay nila. Pag-uwi, ligo uli. Dumidikit kasi talaga ang amoy ng matagal.
“Na-trauma ako sa tancho tique (nilalagay ng men sa buhok nila pampaitim at kintab) na ginagamit sa akin para mukha akong madumi after ako make-upan ng mas dark sa skin ko.
“Years after, may naamoy ako, sabi ko, ‘Bakit gusto ko mag-vomit?’ Nasuka nga ako. Tancho pala naamoy ko! Delayed reaction! Hahaha!” pagpapatuloy pa ni Sharon.
Pero pag-amin niya, “Naka-humble sa akin ang buong experience ko diyan. Habang talagang ‘pasan ko ang daigdig’, dahil biglang hiwalay na ako sa first husband ko. Kaya bigay-todo. Dun ko na binuhos lahat.” Ang tinutukoy niya ay ang paghihiwalay nila ng ex-husband na si Gabby Concepcion.
“Sabi ni Direk when we became really close, galit daw siya sa mga may titulong ‘star’ kasi tingin niya lahat spoiled. Kaya nagulat daw siya nung lahat iutos niya sa akin na gawin, pati pagsalubong sa totoong trak ng basura at paggulong sa basura, ang sagot ko lang, ‘Opo, Direk. Pano niyo po gusto?’
“Ni-love na daw niya ako from then on! Tapos we remained close for many years. I will always miss him and be forever grateful to him,” mensahe pa ni Mega.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.