Pulis-Maynila ‘pumasada’ papuntang Quezon, dakip
ARESTADO ang isang pulis-Maynila para sa pagbibiyahe sa pito katao patungong Tayabas City, Quezon, sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.
Nakilala ang nadakip bilang si Pat. Nerio Jojo Bravo Jr., miyembro ng Mobile Force Battalion ng Manila Police District at nakatalaga sa U.S. Embassy, ayon kay Col. Audie Madrideo, direktor ng Quezon provincial police.
Dinampot din ang mga sakay niyang sina Joseph Adan, Jayson Nanea, James Paulo Abcede, Raymund Lavado, Aillen Villafria, Maria Dialola, at Arvie Lavado, pawang mga taga-Tayabas.
Naharang sina Bravo ng mga pulis na nagsagawa ng mobile patrol sa Brgy. Ibabang Ilasan, pasado alas-12 ng tanghali.
Bago ito, nakatanggap ang Tayabas PNP ng impormasyon na isang itim na Mitsubishi X-Pander ang nagbababa doon ng mga taong di awtorisadong bumiyahe sa ilalim ng ECQ.
Lumabas sa imbestigasyon na bago ito’y nakipag-ugnayan si Bravo sa mga naturang tao sa pamamagitan ng messaging application.
Nabatid na sinundo niya ang pito sa Taytay, Rizal, at hinatid ang mga ito sa Tayabas, kapalit ng P2,500 kada isa.
Naka-uniporme si Bravo nang madakip, at ipinapakita nito na ginamit niya ang pagiging pulis para makalampas sa mga quarantine control point mula Rizal hanggang Quezon, ani Madrideo.
Nakaditine sina Bravo sa Tayabas City Police Station para sa pagsasampa ng sari-saring kaso, kabilang ang paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act, deklarasyon ng State of Public Health Emergency, at resistance and disobedience to a person in authority.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.