Pagkamatay ng MMDA constable dahil sa umano’y kapabayaan pinaiimbestigahan ng Palasyo
NANGAKO si Presidential Spokesperson Harry Roque na paiimbestigahan ng Palasyo ang pagkamatay ng isang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) constable dahil sa coronavirus disease (COVID-19) matapos umanong hindi agad na nabigyan ng tulong medikal.
“Ang pangako ko po paiimbestigahan po natin ito. When I say paiimbestigahan kukulitin po natin yang hepe ng mga ahensiya na yan hanggang sila po ay magbigay ng resulta,” sabi ni Roque.
Sa social media ikinuwento ni Marlene Maralit Tauro ang sinapit ni Cristopher Maralit na pumanaw noong Abril 15 sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center.
“Malalaman natin kung ano ang tunay na nangyari dahil hanggat hindi natin alam ang tunay na nangyari wala po tayong opinyon na pwedeng maibigay,” ayon pa kay Roque.
Ayon kay Tauro noong Abril 14 ay nagkaroon ng ubo na walang plema, nagsuka at nahirapan huminga si Maralit. Kumonsulta sila sa Telemedicine at nagresita ang doktor ng Prazole Plus para sa gastro-oesophageal reflux disease at gastritis. Hindi bumuti ang lagay nito.
Kinabukasan ay pumunta ang kanyang anak sa Barangay hall ng Brgy. 254 Zone 23 ng Maynila para humingi ng tulong nang lumala ang kalagayan ng biktima.
Ala-1 ng hapon dinala na ang pasyente sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center dahil “hirap na hirap” na ito huminga. Sinabihan umano ito na umuwi at magpa-x-ray sa ibang clinic dahil ang kanilang x-ray ay para lamang sa mga in-patient.
Tumawag din umano ang anak ng biktima sa Manila Emergency Operation Center Hotline (MEOC) 0961-062-7013 “NGUNIT ANG SINABI LAMANG AY GAWIN ANG MGA FIRST AID NA PWEDE (PINALAGYAN NG HOT COMPRESS ANG KANYANG TIYAN AT HILUTIN ITO DAHIL MUKHANG ACID REFLUX DAW). HINDI NAGBIGAY NG IBA PANG IMPORMASYON ANG KANYANG NAKAUSAP KUNG SAAN BA PWEDE DALHIN ANG KANYANG AMA NA HIRAP NA HUMINGA.”
Humingi rin sila ng tulong sa MMDA pero natakot umano ang hepe ng ambulansya na baka may-COVID-19 ang biktima at mahawa ang iba pang empleyado. ‘HINDI RIN GUMAWA NG AKSYON ANG AHENSYA UPANG MAY TUMULONG SA PASYENTE MULA SA BARANGAY NA NAKAKASAKOP SA TAHANAN NG PASYENTE O SA MANILA HEALT DEPARTMENT AT DOH.”
Ibinalik ang biktima sa JRRMMC alas-5 ng hapon at na-x-ray ito alas-7 ng gabi. Dito nakita na ang pasyente ay mayroong pneumonia at idineklara ng PUI.
Hindi umano na-admit ang pasyente dahil puno na ang ospital.
“NAKIUSAP ANG KANYANG ANAK NA LAGYAN NG OXYGENE ANG KANYANG AMA HABANG NAG HIHINTAY NA I-SWAB TEST NGUNIT SINABI NG DOKTOR NA “MUKHANG KAYA PA NMAN NI TATAY”
Habang naghahanap ng paglilipatang ospital ay hindi na nakahinga ang biktima at bumula na ang bibig nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.