Darna na naka-face mask bidang-bida sa b-day salubong ni Angel
SINORPRESA si Angel Locsin ng kanyang tatay at fiance na si Neil Arce sa kanyang 35th birthday.
Isang simpleng birthday salubong ang inihanda para sa kanya nina Neil sa mismong bahay nila kagabi kaya naman siguradong tanggal ang lahat ng pagod niya mula sa pagsasagawa ng relief mission dulot ng COVID-19 pandemic.
Alam naman ng madlang pipol na isa si Angel sa mga local celebrities na walang pagod sa pamamahagi ng ayuda sa mga naapektuhan ng lockdown sa bansa lalo na sa mga bayaning frontliners.
Kaya naman talagang pinaghandaan ng kanyang future husband ang surprise salubong for her 35th birthday.
Binigyan si Angel ng kanyang tatay at fiancé ng dalawang Darna-themed birthday cake habang nagpadala naman ang kaibigan niyang si Paulo Avelino ng mga pastries.
Ipinost pa ng Kapamilya actress ang mga eksena sa kanyang birthday salubong pati na ang mga cakes na regalo sa kanya kung saan makikita ang mga Darna action figures na nakasuot ng face mask.
Itinuturing ngayon ng publiko si Angel na isang real life Darna dahil sa ginagawa niyang pagtulong ngayong panahon ng krisis.
Kung may isang artista nga na dapat parangalan ng gobyerno dahil sa effort nito sa pagtulong sa madlang pipol at sa frontliners, yan ay walang iba kundi si Angel Locsin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.