Mahirap pigilin ang kamunduhan | Bandera

Mahirap pigilin ang kamunduhan

- March 02, 2010 - 11:05 AM

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

HUMAHANGA
ako sa tapang ni Health Secretary Esperanza Cabral sa pakikipagtunggali sa Simbahang Katolika sa isyu ng condom.
Sinabi ni Cabral na hihingi siya ng tulong sa mga NGO sa ibang bansa upang makakuha ng suplay ng condom.
Wala kasing pera ang DOH upang bumili at mag-distribute ng condom sa mamamayan.
Ipinagbabawal ng Simbahang Katolika ang paggamit ng condom dahil ito raw ay pagpigil ng pagbubuntis.
Maraming opisyal ng gobyerno at politiko na natatakot na magpatupad ng birth control gaya ng paggamit ng condom dahil takot sila na magalit sa kanila ang Simbahan.
Kahit na si Sen. Noynoy Aquino, na sinusuportahan ang Reproductive Health Bill sa Senado, ay nag-iba ng kanyang panindigan dahil siya’y tumatakbo pagka-Pangulo.
Sinabi ni Cabral na hindi naman tayo theocracy o isang bansa na pinatatakbo ng mga religious gaya ng Iran, kaya’t dapat ay huwag paniwalaan ang Simbahan sa isyu ng pagkontrol ng populasyon.
Si Cabral ang isa sa mga babaeng alam ko na may yagbols dahil ipinaglalaban niya ang kanyang prinsipyo.
* * *
Kapag alam mo na tama ka dapat ipaglaban mo ang iyong prinsipyo kahit na sinong Hudas ang makatunggali mo.
Maling-mali ang Simbahang Katolika sa pagpipigil sa ginagawa ng gobyerno na pigilin ang pagdami ng tao.
Pumuputok na ang ating bansa dahil sa lubhang marami na tayo.
Ang resulta ng population explosion ay kakulangan ng pagkain at oportunidad sa pag-unlad, kakulangan ng espasyo para makagalaw ang mga tao.
Ang resulta ng mga ito ay pagtaas ng krimen.
Hindi ito nakikita ng Simbahan o nagbubulag-bulagan lang ito.
Walang pakialam ang Simbahan kung maghihirap ang bansa dahil sa dami ng tao na wala nang makain.
Ang alam ng Simbahan ay dapat ipairal ang “batas ng Diyos.”
Kasalanan ba sa Diyos ang pigilin ang pagdami ng tao sa pamamagitan ng birth control gaya ng paggamit ng condom?
Anong klaseng Diyos ang ipinipinta sa atin ng Simbahang Katolika? Ang isang Diyos na sarado ang kaisipan gaya ng Simbahan?
* * *
Kaya tayo naghihirap ay dahil sa Simbahang Katolika na panay pagpuna sa gawain ng gobyerno.
Ang population control ay problema ng gobyerno at dapat hindi pakikialaman ng Simbahan.
Sabi pa nga ni Jesus ay ibigay kay Cesar (gobyerno) ang dapat na kay Cesar at ang sa Diyos (Simbahan) ay sa Diyos.
Dapat igalang ng Simbahan ang karapatan ng gobyerno na magpasa ng mga batas na ikabubuti ng mga mamamayan.
* * *
Dumarami ang pagkalat ng HIV-AIDS dahil sa pagpigil ng Simbahan sa paggamit ng condom.
Ang condom ay hindi lang para birth control kundi para rin maiwasan ang mga venereal diseases gaya ng tulo, syphilis, at ang pinakagrabe sa lahat, AIDS.
Gusto yata ng Simbahan na pigilin ang kamunduhan.
Mahirap mapigil ang kamunduhan dahil likas ito sa tao.
Kung hindi mapipigil ang kamunduhan dapat ay pigilin ang pagdami ng tao at sakit na sanhi ng kamunduhan.
At ang solusyon ay paggamit ng condom sa pagtatalik.

BANDERA, 030110

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending