NAKAHANDA ang National Police na ipatupad ang mas mahigpit na lockdown na ibinanta ni Pangulong Rodrigo Duterte kung patuloy na lalabagin ng marami ang mga protocol laban sa 2019-Coronavirus disease (COVID-19).
“The Philippine National Police stands squarely in support of President Rodrigo Duterte’s intention to decisively enforce a total lockdown,” sabi ni PNP chief Gen. Archie Gamboa.
Ibinigay ni Gamboa ang pahayag matapos magbanta ang Pangulo na uutusan ang pulisya’t militar na magpatupad ng “parang martial law” na lockdown, maaring sa susunod na linggo, para mapigilan ang mga lumalabag sa social distancing, curfew, at di kinakailangang paglabas ng bahay.
Ayon sa PNP chief, may ilang local chief executive nang pumayag sa pagpapatupad mas mahigpit na panuntunan laban sa mga lumalabag sa kasalukuyang enhanced community quarantine (ECQ).
“So many people are wilfully violating government orders to remain indoors, their bold acts of disobedience are making containment efforts against the virus less effective,” ani Gamboa.
Isinisi ng PNP chief sa mga lumalabag sa ECQ ang pagkakasakit ng mga pulis na nakatalaga sa mga checkpoint.
“Worse and more troublesome for the police, it is taking its toll on police personnel manning the quarantine control points who risk exposure to unusually heavy crowding of unauthorized persons.”
Sa pinakahuling tala ng PNP, sinasabing 65 pulis na ang nagpositibo sa COVID-19, habang 501 ang itinuturing na suspect at 51 ang “probable” o posibleng dinapuan ng sakit.
Sa mga pulis na nagpositibo sa COVID-19, anim na pawang mga nakatalaga sa Metro Manila ang bagong kaso.
Ayon naman kay Lt. Gen. Guillermo Eleazar, commander ng Joint Task Force Coronavirus Shield, dismayado ang Pangulo dahil maraming lumalabag sa ECQ, at nakahanda ang hukbo na magpatupad ng mas mahigpit na panuntunan.
“We have various contingency plans in every quarantine level — ready to be implemented anywhere and anytime.”
Sa tala ng task force, sinasabing aabot na sa 120,000 ang nasita para sa paglabag sa curfew at paglahok sa mga aktibidad kung saan nababalewala ang social distancing.
Bukod pa dito ang mga driver na nasita at natiketan para sa paglabag sa public transport ban.
Sa kaugnay na balita, inulat naman ng PNP Criminal Investigation and Detection Group na umabot na sa 345 katao ang naaresto para sa hoarding at pagbebenta sa sobrang taas na halaga, ng medical supplies.
Naaresto ang mga suspek sa 220 operasyong isinagawa sa buong bansa mula Marso 17 hanggang Abril 16.
Sa mga naaresto, pinakamarami ang 44 na mula Calabarzon, ayon sa CIDG.
Nasabat naman sa mga operasyon ang kabuuang 24,778.73 litro ng alcohol; mahigit 1.125 milyong piraso ng face mask; 1,477 piraso ng thermal scanner; at 1,029 litro ng hand sanitizer.
Tinatayang nasa mahigit P51.01 milyon na ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang supplies.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.