NASAWI ang isang police official habang bahagyang nasugatan ang kanyang anak nang barilin ng mga di pa kilalang salarin, sa Isulan, Sultan Kudarat, Miyerkules ng hapon.
Ikinasawi ni Maj. Victorino Pansoy, pinuno ng Internal Affairs Service ng Davao del Sur provincial police, ang tama ng bala sa leeg, ayon kay Lt. Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Nagtamo naman ang 1-anyos na anak ni Pansoy ng daplis ng bala sa ulo, ani Capellan, gamit bilang basehan ang ulat na nakarating sa kanyang tanggapan.
Naganap ang insidente sa tapat ng isang boarding house sa Purok Riverside, Brgy. Sampao, dakong alas-4:42.
Sakay si Pansoy, kanyang anak, at asawa ng kanyang Toyota Hilux (LAA-8902) nang paputukan ang sasakyan, ani Capellan.
Itinakbo ng mga rescuer si Pansoy sa Sultan Kudarat Provincial Hospital pero binawian ng buhay ang pulis.
Dinala ang kanyang anak sa ibang pagamutan sa Isulan at pagdaka’y nilipat sa isa pang ospital sa Koronadal City, South Cotabato.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng mga salarin, na agad tumakas matapos ang insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.