P370B stimulus package inilatag sa kamara para maiwasan ang tanggalan sa trabaho
NAGLATAG ng mga panukala ang mga kongresista upang matulungan ang mga maliliit na negosyante na agad na makabangon at maiwasan ang pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Sa isang online hearing kahapon, ipinanukala ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang paglalaan ng P370 bilyong fiscal stimulus package na ang layunin ay maiwasan ang pagkatanggal sa trabaho ng mga empleyado mula sa mga negosyong naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Quimbo ang tulong na maibibigay ng gobyerno ay pagbibigay ng pampasuweldo sa mga empleyado na walang kita ang kompanya at pagpapautang ng walang interest at loan guarantees.
Mayroon umanong 41 milyong manggagawa sa bansa. Sa mga ito, ayon kay Quimbo 9.09 milyon ang hindi naapektuhan ng COVID-19 gaya ng mga empleyado ng gobyerno, nasa essential business gaya ng grocery at nagtatrabaho sa bahay.
Ang 29 milyong manggagawa umano na apektado ng COVID-19 ang kailangang tulungan sa pamamagitan ng pagtiyak na hindi matatanggal sa trabaho ang mga ito.
Sinabi naman ni House committee on economic affairs chairman Sharon Garin na tinatayang 1 milyong kompanya ang kailangang tulungan ng gobyerno para hindi mawalan ng trabaho ang may 30 milyong empleyado.
“During ECQ we need to safeguard lives, but after ECQ we need to safeguard their livelihood,” ani Garin. “The lifeblood of the economy is employment, without jobs Filipino will not have income, won’t not have food in their table and won’t be healthy members of our society.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.