Misting tent ng Team Angel para sa frontliners hindi aprub sa DOH
KUNDI dakila ay hindi na namin alam kung anong termino ang gagamitin namin sa paglalarawan sa puso ni Angel Locsin.
Hindi siya manyikang de susi, meron siyang kusang-palo, alam niya kung kailan siya aaksiyon para magbigay ng tulong sa mga kababayan nating may matinding pangangailangan.
Napakadakila ng ginawa niyang proyekto para sa mga frontliners na naglalagay ng sarili nilang buhay at kaligtasan sa indulto. Sila ang mga buhay na bayani ng ating panahon.
Pero hindi pala pinayagan ng DOH ang misting tent na dinisenyo ng grupo ni Angel. Ayon sa departamento ng pamahalaan ay wala pang lumalabas na patunay na ang misting na ginagawa ngayon ng ating mga kababayan sa pagsugpo ng corona virus ay epektibo.
Ang ipinapayo pa rin ng DOH ay ang paghuhugas ng kamay, ang paggamit ng face mask, ang hindi paghawak sa mga parte ng ating mukha nang marumi ang ating mga kamay.
Hindi na kuwestiyon ang argumento, may epekto man o wala sa pagsugpo sa virus ang misting ay hindi na mahalaga, ang importante ay ang mabuting puso ni Angel Locsin na mabilisang kumilos para makatulong sa mga frontliners na totoo namang isinusugal ang nag-iisa nilang buhay para makapagligtas ng kanilang kapwa.
Dikta ‘yun ng puso at kunsensiya, hindi ng mga bulong, lalong hindi ng kung anumang pinaghahandaan niyang laban sa pagpasok niya sa mundo ng pulitika.
Nasa puso ng aktres ang pagbabahagi ng mga grasyang tinatanggap niya, puso niya ang nagsasabing kailangan nating ayudahan ang mga taong ginagawa na lang na pangalawang prayoridad ang kanilang mga pamilya, isang pagsaludo sa kabutihan ng puso ni Angel Locsin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.