‘Walang forever, matatapos din ang COVID-19…kapit lang’
LUMIPAS ang Mahal Na Araw na parang wala lang.
Matindi talaga ang naging epekto ng COVID-19 sa buong mundo. Ang lahat ng nakaugalian at nakasanayan na nating gawin mula pa nu’ng panahon ng ating mga ninuno ay biglang ipinagpaliban dahil sa enhanced community quarantine.
Binago ng salot na ito ang kultura, ang mga panata, pati ang kasaysayan. Sa pagtutok namin sa CNN ay napanood namin ang nagaganap sa iba-ibang bansa.
Hindi lang tayong mga Pilipino ang sobrang naapektuhan ng corona virus, hilahod din ngayon ang Amerika na tinagurian pa namang super power, sila ang mayhawak ngayon ng pinakamataas na bilang ng mga apektado at pumapanaw na mamamayan dahil sa COVID-19.
Sinalpok ang East Coast, ang sikat na sikat na “city that doesn’t sleep” na New York ay mistulang ghost town ngayon, daang libong manggagawa rin sa Amerika ang humihingi na ng ayuda sa gobyerno dahil sa pinaiiral nilang lockdown.
Ang dating hindi mahulugang-karayom na palibot ng St. Peter Square sa Vatican ay walang katao-tao, sa telebisyon at social media na lang nila sinasaksihan ang mga ginaganap na misa, pinagbawalan naman sa Jerusalem ang pagtitinda ng mga rosaryo sa tabi ng kalye.
Napakatindi ng ginawang epekto ng corona virus sa buong mundo. Sa isang iglap ay nabago ang kultura, ang kasaysayan, ang lahat-lahat ng nakagawian na natin.
Walang palyang panalangin pa rin ang kailangan nating gawin, sumunod tayo sa mga ipinagbabawal ng DOH at ng ating pamahalaan tungkol sa social distancing, panatilihing malakas ang ating katawan para may panglaban tayo sa mapamuksang mikrobyo.
Walang forever, lahat ng bagay at nagaganap sa mundong ito ay temporaryo lang, humawak lang tayo sa pag-asa na isang araw ay matutuldukan din ang lahat ng mga paghihirap at sakripisyong pinagdadaanan natin ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.