Proseso para sa ayuda sa pro boxing, muay thai at MMA gumulong na
SINIMULAN na ng Games and Amusements Board (GAB) ang pag-proseso para makakuha ng ayuda mula sa gobyerno ang mga lisensiyadong boxers, mixed martial arts at muay thai fighters, trainers at promoters na ang kabuhayan ay naapektuahan ng enhanced community quarantine na ipinapatutupad ng gobyerno.
Noong Biernes ay sumulat si GAB chairman Abrahan “Baham” Mitra sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maisali ang mga ito sa amelioration program ng gobyerno subalit may mga amendment na ipinagawa ang DSWD.
Kaya naman nagbuo ng mas kumpleto at mas detalyadong listahan ang GAB at base sa listahang ito ay magpapadala ang DSWD sa GAB ng social amelioration cards (SAC) na eksklusibo para sa mga taong nasa sektor ng pro boxing, MMA at muay thai na nasa ilamin ng pangangasiwa ng GAB.
Ayon kay Mitra, kapag nakuha na ng GAB ang mga bar coded application forms ay agad na ipadadala ng ahensiya ang mga ito sa mga atleta, trainers at promoters.
“Dadalhin po ninyo ang filled-up application forms sa DSWD local offices,” sabi ni Mitra.
“Ang DSWD po ang mag ba-validate at mag-approve kung sinu-sino ang mga kwalipikadong makakatanggap dahil sa kanila manggagaling ang pondo at iniiwasan din po kasi natin na magkaroon ng duplicate claims.”
Ayon sa Joint Memorandum Circular no. 1 series of 2020 na inilabas ng DSWD, isang tao lamang sa bawat pamilya ang maaring makatanggap ng ayuda na mula sa Bayanihan to Heal as One Act.
“Nais pong tulungan ng GAB ang lahat ng mga licensees, subalit nasa DSWD po nakadepende dahil sila po ang awtoridad na naatasan ng gobyerno na mag patupad ng Social Amelioration Program,” dagdag pa ni Mitra.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.